ALAM N’YO ba na ang sikat na aktor na si Richard Gomez ay dating naging crew sa isang fast food chain bago siya nadiskubre bilang artista? Ito ay naikuwento niya sa isang interview sa TV matagal na panahon ang nakaraan. Marahil ay sumikat ang pagiging crew sa fast food restaurant sa mga kabataan dahil na rin sa impluwensya ng sikat na aktor na ito. Mula noon at hanggang ngayon ay hindi ka makakakita ng isang may edad na nagtratrabaho sa mga fast food chain bilang crew. Bakit kaya?
Sa mga bansang malapit sa atin dito sa Asia gaya ng China at Singapore, magugulat ka na maraming mga nagtratrabaho sa mga fast food chains na pawang may mga edad na. Sa huling pagbisita ko sa Hong Kong ay nakakita pa ako ng isang matandang Chinese na babaeng nasa edad 60 na nagtatrabaho bilang isang crew sa kainan. Malakas pa siya at kayang-kaya niya ang magligpit ng mga kinainan ng customer niya at maghatid ng order sa mga tao.
Kapansin-pansin naman talaga rito sa ating bansa na pawang mga bata ang makikita natin na crew sa mga fast food chains. Hindi lang ito ang tila kaso ng paglilimita ng edad sa trabaho para sa mga kabataan lamang, kundi marami ring mga kompanya ang naglalagay ng age limit sa mga aplikante ng trabaho na kadalasan ay mula edad 18 hanggang 30-35 lamang. Ito ay isang kaso ng age discrimination sa trabaho.
MARAMING UNEMPLOYED na nasa edad 35 pataas ayon sa isang pag-aaral dito sa Pilipinas.
May mga trabahong naghihintay ng aplikante ngunit hindi ito mapunuan dahil nililimitahan naman kasi ng maraming kompanya ang edad sa mga medyo bata-bata na aplikante. Kadalasan ay mayroong cut-off age limit na 30-35 lamang. Kaya naman ang mga aplikanteng kuwalipikado naman sa posisyon sa trabahong bakante, ngunit may edad na 40 pataas ay hindi natatanggap dahil sa age cut-off na ito.
Maituturing na itong age discrimination sa trabaho dahil hindi makatuwiran na hindi tanggapin sa trabaho ang isang qualified na 40 years old na aplikante sa trabaho dahil lamang sa edad. Nakadaragdag ang polisiyang ito sa problemang unemployment sa bansa dahil maraming mga workers ang nasa age group na 30-50. Nagkakaroon tuloy ng displacement sa mga workers na kasama sa ganitong age group.
Malaking bagay na mabigyan sila ng trabaho sa maraming fast food chains at malls dahil malaking ambag ito sa ating Gross Domestic Product (GDP) at Gross national Product (GNP). Isa pa ay hindi masyadong nangangailangan ng special skills ang mga trabaho sa fast food chains at malls kaya tiyak na maraming masipag na trabahador ang qualified dito at marami itong mabibigyan ng trabaho kung wala sanang ganitong polisiya o age discrimination sa trabaho.
ANG PAGTATANGGAL ng age discrimination sa trabaho ay pagpapahalaga rin sa mga senior citizen group.
Maraming mga Pilipino na kahit umedad na sa 60 hanggang 65 ay kayang-kaya pa naman ang magtrabaho. Kung mabibigyan ng pagkakataon ay marami sa kanilang nais pa ring makapagtrabaho at makatulong sa kanilang mga pamilya.
Sa Canada halimbawa ay mayroong batas na kung nanaisin pa at hangga’t kaya pa ng isang matandang empleyado na magawa ang kanyang trabaho ay maaari itong magpatuloy sa kanyang trabaho na hindi kailangan hadlangan ng compulsory retirement age na kadalasang 60 years old.
Mas nakatitipid umano ang ganitong sistema para sa mga kompanya dahil nababawasan ang kanilang gastos sa training para sa mga bagong empleyado. Ito ang resulta ng isang pag-aaral on macroeconomics and efficiency sa isang sikat at malaking paaralan sa Taft Avenue at maging sa ibang mga unibersidad sa ibang bansa.
Mga “expert” na kasi ang mga matatandang empleyado kaya hindi na masyadong kailangan ang training sa kanila. Kabisado at alam na alam na nila ang kanilang trabaho. Isa pa ay mas nabibigyan din ng pagpapahalaga at dignidad ang kanilang pagkatao dahil nanatili silang may silbi sa lipunan sa kabila ng kanilang katandaan.
Isang dahilan din ng health deterioration ang biglang pagtigil sa trabaho ng mga senior citizens natin dahil sa compulsory retirement age. Marami sa kanila ang biglang nagkakasakit dahil kaya pa naman nila at gusto pa rin nilang magtrabaho ngunit natitigil na sila sa trabaho at wala na ring gustong kumuha sa kanila. Malaki ang psychological factor na dulot ng stress at self-pity kaya nagkakasakit ang mga ito.
SANA AY tutukan ito ng pamahalaan. Marami pang mga bagay ang dapat busisiin sa umiiral na age discrimination sa trabaho ngayon. Dapat ay kumilos din ang mga mambabatas at pag-aralan ang batas na aking nabanggit na umiiral sa Canada at karatig-bansa na nagpapahintulot sa mga matatanda na magtrabaho kung kaya at nais pa nila.
Dapat ay kagyat na alisin ang age discrimination sa mga kompanya na naglilimita sa 30-35 ang hiring. Dapat imbestigahan ito ng Department of Labor and Employment. Malaki ang maititulong nito sa ating ekonomiya at sa buhay ng mga simpleng mamamayan.
Ang Wanted sa Radyo ay napakikinggan sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo