NAGDEKLARA NA ng “State of National Calamity” si Pangulong Benigno Aquino III matapos ang pagkasalanta ng maraming lalawigan dito sa ating bansa dulot ng bagyong si Yolanda. Hindi kayang ilarawan ng mga salita ang pinsala na sinapit ng ating mga kababayan sa mga apektadong lugar. Ang pagkawasak ng mga bahay ay naging sekundaryo na lamang kumpara sa dami ng mga buhay na nawala. Lalo pang nagpalubha sa kanilang kalagayan ang patuloy na gutom na kanilang dinaranas. Lubos na nahihirapan ang mga kinauukulan na maghatid ng tulong dahil sa kawalan pa ng komunikasyon at matinding pagkawasak ng mga daan at paliparan.
Ganu’npaman, ang malungkot na pangyayari na ito ay isa na namang pagkakataon upang magpatunay sa tibay ng puso at pagkatao ng mga Pilipino. Ang kakayahan ng buong bayan na bumangon matapos ang anumang matinding pagsubok. Ang mga imahe ng ating mga kababayan na naglalakad habang gulanit ang damit at nakapaa, upang humanap ng pagkain at tubig, ay tila ba nagsasabi na, “Hindi kami mamamatay nang umiiyak at nakaupo. Hindi kami papayag na walang inuming gatas ang aming mga anak.” Palaban ang mga Pilipino.
Panahon din ito upang matunghayan ang kagandahang loob na likas sa puso ng bawat Pilipino. Bawat isa, bata man o matanda, mahirap o mayaman, ay naglalayon na makatulong sa kanyang mga kababayan na sinamang-palad. Marami na rin ang nagpasya na kalimutan na muna ang mga magagarbong salu-salo at mga mamahaling regalo ngayong darating na Pasko para ilaan na lang ang kanilang mga ipon bilang ambag sa mga nangangailangan. ‘Yung iba naman na kapos din sa buhay ay tumutulong na lamang sa pagbabalot at pagbubuhat ng mga relief goods. Busilak ang puso ng mga Pilipino.
Ang video ng isang babae na mahigpit pa ring nakakapit sa isang puno kahit na binabayo ng malalakas na alon ay may makapangyarihan na paglalarawan. Hindi siya bumitaw. Gusto niyang mabuhay. Ang unang pumasok sa aking isip ay puwede niya itong gamiting talent sa contest na “That’s My Tomboy”. Na kahit na atakehin ng zombies ang buong mundo, mabubuhay ang babaeng ito. Ang kanyang tapang ay natural na sa bawat Pilipino. Siya ang makabagong siga, mula sa angkan ni Lapu-Lapu, Asiong Salonga, at Nardong Putik. Totoo nga ang nasa kanta ng sikat na mang-aawit na si Bamboo. Buo ang loob ng mga kababayan natin. May agimat sa dugo ng mga Pilipino.
Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac