ANG SINASABI pala ni Agot Isidro na ibabalita niya sa paglipat niya sa GMA-7 ay ang bagong pinagkakaabalahan nito ngayon na pag-aalaga ng baby.
Kinuwento ni Agot sa presscon ng kauna-unahang programa niya sa GMA 7 na One True Love, kumuha raw siya ng license sa DSWD bilang foster parent.
Matagal na pala siyang nag-volunteer sa C.R.I.B.S. na kung saan tumutulong siya sa pag-aalaga sa mga bata sa orphanage na iyon. Meron daw du’ng isang bata na parang nakahulugan niya ng loob dahil napakasakitin daw nito.
Humiling siya na gusto niyang alagaan, pero bilang foster parent sa bata. Hindi pa raw kasi siya handang mag-adopt kaya sinimulan muna niya sa pagiging foster parent.
Ang dami pa palang pinagdaanan niyan na kung saan kukuha ka ng lisensya at bago ka bigyan ng lisensya, iniimbestigahan muna ang background pati ang mga kasambahay na kasama mo sa bahay ay tinitingnan nila.
Finally, nabigyan na nga siya ng lisensiya, kaya ibinigay na sa kanya ang baby na alagaan muna niya habang wala pang kumukuha nito. Parang temporary lang daw ‘yun dahil kung kukunin na ito ng tunay niyang magulang o baka merong mag-adopt, ibibigay na niya ito. Napaghandaan na ito ng singer/actress kaya sa ngayon ay nasa pa-ngangalaga muna niya ang bata.
Hindi pa kasi naranasan ni Agot ang magkaroon ng baby kaya kakaibang experience daw ito sa kanya. Dati kasi, puro mga aso ang mga alaga niya, kaya tuwang-tuwa raw siya pag-uwi ng bahay dahil bukod sa mga aso niya na sumasalubong sa kanya, may baby na sa kuwarto niya na inaalagaan nilang lahat.
Siyempre, ‘yun lang ang napag-usapan kay Agot dahil hindi pa rin siyang handang pag-usapan ang tungkol sa kanyang asawa.
Excited si Agot dito sa paglipat niya sa GMA-7 at sa One True Love na magsisimula na sa Lunes sa GMA Telebabad.
Ito rin ang kauna-unahang primetime drama series nina Alden Richards at Louise delos Reyes.
NAKAKATUWA RIN itong si Louise delos Reyes, dahil kahit abala siya sa pag-aartista niya, hindi niya talaga ginive-up ang pag-aaral niya. Ga-graduate na kasi siya sa kursong Foreign Service. Kaya kahit halos araw-araw ang trabaho, isinisingit niya talaga sa schedule niya ang pag-aaral.
Madalas nga, wala pa siyang driver kaya siya pa ang nagda-drive na pumapasok sa eskuwela at pumupunta sa taping. Sa Lyceum of the Philippines pala nag-aaral si Louise.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis