AWARE DAW ang Comedy Queen na si Ai-Ai delas Alas na after niyang magpa-interview kay Kuya Boy Abunda kaugnay sa kontrobersiyang kinahaharap niya sa kanyang ex-husband na si Jed Salang sa magiging buwelta nito sa kanya.
Tsika nga ni Ai-Ai, alam na alam na daw niya ang paninirang gagawin sa kanya ni Jed Salang bilang sagot sa kanyang rebelasyon, at ito ay ang sabihin ni Jed na isa siyang “sex maniac”.
Inunahan lang daw ni Ai-Ai si Jed, kung saka-sakaling magsasalita na rin ito at ipapahayag naman ang kanyang side. Pero until now, nananatiling tahimik ang kampo ni Jed at wala pang binibitiwang salita, kung hindi kuwento-kuwento lang ng kanilang mga kaibigan.
Tweet nga ng Comedy Queen, “Babuyin na niya ako sa buong Pilipinas wala naman akong magagawa, kung gagawin niya ‘yun… Let Go Let God. God Bless his Soul.”
Hinihintay lang daw ni Ai-Ai ang magiging buwelta sa kanya ni Jed kung saka-sakaling magsasalita na ito at sasagutin ang lahat ng kanyang binitawang salita kaugnay sa kanilang hiwalayan.
TAKOT DAW ang nanaig sa baguhang host-actress na si Loven Canon kaya naman nag-backout na lang daw ito sa pelikula sanang pagsasamahan nila ni Cesar Montano, kung saan siya ang magiging leading lady nito at si Cesar din ang magdidirek.
Simula raw kasi ng ma-link ang maganda at makinis na Zamboangeña kay Cesar Montano, hindi na ito tinantanan ng kanyang bashers na mula sa mga tagahanga ng may bahay ni Cesar na si Sunshine Cruz.
Kung anong masasakit at below the belt na salita raw ang natatanggap ni Loven sa kanyang Twitter at Facebook account kaya naman daw mas pinili na lang nitong mag-backout sa pelikulang pagsasamahan nila ni Cesar, kaysa ituloy pa ito at maging worst pa ang matanggap nitong mensahe sa kanyang bashers.
ANGKOP NA angkop ang salitang “you cannot put a good and talented man down” sa mahusay at tinaguriang King of Philippine Reggae na si Blakdyak, dahil kahit marami ang pilit na nagbabagsak dito ay nanatiling nakatayo pa rin ito at umaawit para sa kanyang mga tagahanga.
Nawala man pansamantala dahil na rin sa paglibot nito sa ibat ibang sulok sa buong mundo para umawit, muli itong nagbabalik sa music scene via his 4th album “Blakdyak, May Tama” hatid ng Viva Records.
Tsika nga ni Blakdyak, kahit marami raw ang pilit na ibinabagsak siya ay nandyan pa rin siya at ginagabayan ng Diyos . Kaya naman daw sa kanyang bagong album ay pulos awiting tunog-Blakdyak na talaga namang tinangkilik ng Pinoy music lovers ang hatid nito mula sa kanyang mga pinasikat na kanta na“Modelong Charing”, “Good Boy”, atbp.
At sa kanyang pagbabalik, hindi lang isa kung hindi 14 na awitin ang nakapaloob sa kanyang album ang siguradong maghi-hit sa puso ng mga Pinoy, mula sa carrier single na “May Tama” at ang mga awiting “Musika”, “Kainan”, “Bahay Kubo”, “Inday”, “Noon at Ngayon”, “Beep Beep”, “Iska Talong”, “Tumawa ng Tumawa”, “Bumbay”, “Summer Reggae”, atbp.
Kaya naman abangan si Blakdyak kasama ang grupong Crozz Band (New Wave 80s) na sina Danny Santos (vocalist), Dennis (guitarist), Mondric (bass), Ricky (keybordist), at Richard (drummer) sa kanyang bar tours na nagsimula sa Off The Grill, Timog, QC, last May 25 sa paanyaya ni Mr. Mike Roxas (Entertainment Manager, Off the Grill), at sa June 7 – Cowboy Grill Delta; June 13 sa Dragon Bar; June 14 – Cowboy Grill Delta; June 20 – Flake Bar; June 21 – Party Place (Pampanga ); June 28 – Cowboy Grill, Delta; at sa June 29 – Bagaberde 101 (Roxas Blvd.).
John’s Point
by John Fontanilla