SI WENN DE Ramas ang umaming “balahura” raw siyang direktor. Pero, mukhang hindi niya ito nagawa in the presence of the former Pres. Joseph Estrada sa presscon ng Ang Tanging Pamilya.
Sa totoo lang, sina Ai-Ai delas Alas at Candy Pangilinan ang nanggulat nang tanghaling iyon, dahil very intimate ang kanilang revelations. Kung nasa shooting lamang siguro sila at sila-sila lang ang nag-uusap, wala namang masama roon. Kaya lang, may mahigit isang daang taong nakikinig at TV cameras na nakatutok sa bawa’t sabihin nila, kung kaya’t hindi naging maganda ang dating. Kaibigan ko kasi sina Ai at Candy, kung kaya’t maglalakas-loob na akong ihatid ang sentimyento ng nakararami.
Tama ba namang sabihin ni Ai na game pa rin siyang “ipakita ang kanyang boobs” kay Erap kahit tapos na ang shooting at showing ng pelikula? “Basta ipakita rin niya sa akin kung ano ang itinatago niya sa kanyang wrist band,” aniya.
As far as Candy is concerned, okey rin ba sa mga nakikinig nang sabihin niyang “pumapatol ako sa Presidente” nang tanungin raw nito sa kanya kung babae raw ba siya o lalaki? Eh, sa shooting naman nangyari iyon. Kailangan bang ulitin niya sa isang malaking presscon?
Sana, narinig nila ang opinyon ng mga katulad kong sanay na sa kalakaran sa showbiz, pero naniniwalang inilalagay sa lugar ang “kabalahuraan.”
In fairness to the former president, ang tanging sinagot niya ay tungkol sa kissing scene nila ni Ai- Ai lang. Obviously, iniwasan niya ang mga hindi karapat-dapat pag-usapan.
SPEAKING OFF DIREK Wenn, nakaburol ang kanyang pinakamamahal na ina nang sinu-shoot nila ang Ang Tanging Pamilya.
“Sabi ni former President, ito raw ang pinakamaganda niyang comedy picture na nagawa sa tanang buhay niya. Hindi ko naman sinasabing totoo ang kanyang sinabi, pero ang bawa’t pelikulang dinidirek ko ay 100% ang focus ko. Hindi ko alam kung paano ko ito nagawa nang mamatay ang Mama ko, pero, ‘yun ang totoo.
“Even during the wake at noong nailibing na ang Mama ko, hindi ko rin nagawang umiyak. ‘Yung eulogy ko at mga salita ng pasasalamat sa mga dumamay sa akin, eh, kusang nanggagaling sa bibig ko. Nakapagpapatawa pa ako kahit alam kong hindi na babalik pang muli ang Mama ko.
“Imagine, nang araw na iyon, masayang-masaya pa siya. Wala kahit ano mang senyales na iiwanan na pala niya ako. Basta na lang daw natumba and before they realized it, namatay na siya. Wala kasi akong alam na sakit niya, pero sabi ng doktor, aneurism daw.
“Ngayon, wala na akong alarm clock. Kasi, Mama ko ang alarm clock ko. Siya rin ang namamahala sa lahat ng dapat gawin sa bahay namin. Namamalengke, nag-aayos ng bahay, nagba-budget. Pati mga tinutulungan namin, siya ang in charge. May nagte-take over naman sa role niya, pero, hahanap-hanapin ko pa rin siya.”
Malulungkot lahat ang kuwento niya pagkatapos ng presscon, pero ni minsan, hindi siya umiyak. Kahit isang tulo ng luha, wala talaga.
“Kapag mag-isa ako, saka ko nararamdaman ang pagkawala niya,” tangi niyang nasabi.
BULL Chit!
by Chit Ramos