SORRY NA lang para sa mga kumokontra sa muling pagbangon ng career ni Ai-Ai delas Alas, dahil talagang napapatunayan na naman na para siyang pusa na mayroong siyam na buhay. Nasanay na ang comedy concert queen, na kapag medyo matumal ang kanyang raket sa paggawa ng pelikula o paglabas sa telebisyon ay ikakabit na kaagad sa kanya ang intrigang laos na siya, at kung sino ang bago at sumisikat na komedyana ay sasabihing kung sino man iyon ay nilaos na raw ang kanyang pagiging comedy queen.
Bongga na naman ngayon ang pangalan ni Ai-Ai ngayong nasa GMA-7 na siya. Patok ang kanyang mga programa sa telebisyon, at marami pang programang ipagkakatiwala sa kanya ang Siyete, habang nagbabanta sa takilya ang pagtatambalan nilang pelikula ni Bossing Vic Sotto na kasali sa darating na Metro Manila Film Festival sa December. Ngayon ay pagod na pagod na naman ang sikat na komedyana sa dami ng kanyang trabaho, pero ayaw niyang magreklamo dahil masaya siya sa nangyayari ngayon sa takbo ng kanyang showbiz career.
Hindi waldas sa pera si Ai-Ai, kaya kahit nangyayaring natatagalan na wala siyang project ay hindi siya maghihirap, kundi mag-iingat lang sa paglalabas ng pera. Likas na sa kanya ang pagdamay at pagtulong sa kapwa, kaya kahit iniintriga na siya sa kanyang mga pagtulong ay wala siyang pakialam. Napakabuti ng puso ni Ai-Ai, sa katunayan, noong taong 2003 ay nagkaroon ng fund raising project ang Philippine Movie Press Club at nag-concert si Ai-Ai at ang kinita ay para sa mga may sakit na miyembro noon ng PMPC, at kasama ang yours truly sa mga may karamdaman nu’ng mga panahong iyon na natulungan ng tunay na kabutihan ng sikat na komedyana.
ChorBA!
by Melchor Bautista