Ipinahayag ni Ai-Ai delas Alas ang kagalakan na finally ay nagampanan din niya ang papel ng isang laos na prostitute sa pelikulang “Area” ng BG Productions International.
“Dream role ko kasi talaga itong maging isang pokpok na laos at maganda naman na nabigyan ako ng role na ganyan dito sa ‘Area’,” nakangiting saad ni Ai Ai.
Ang “Area” ay nanalo ng Special Jury Prize sa 12th Eurasia International Film Festival sa Almaty, Kazakhstan at binigyan din ito ng Graded A ng Cinema Evaluation Board (CEB). Pinamahalaan ni Direk Louie Ignacio, tampok din dito sina Allen Dizon, Sue Prado, Sancho delas Alas, Sarah Pagcaliwagan, Tabs Sumulong, Ireen Cervantes, at iba pa.
Showing na ang “Area” sa November 9 at ito’y nabigyan ng MTRCB ng rating na R-18, approved without cuts.
Sa pelikulang ito ay gumaganap si Ai Ai bilang si Hillary, isang beteranang prostitute sa Area na nag-iipon ng pera para sa kanyang tanging pangarap sa buhay – ang hanapin sa Amerika ang nawawala niyang anak na nawalay sa kanya dahil sa aftermath ng Mount Pinatubo eruption.
Ano ang masasabi mo na pinuri ang galing mo rito ni Direk Louie at ng producer n’yo na si Ms. Baby Go?
“Ah, happy ako, kasi talaga namang isinapuso ko naman ‘yung ano ko talaga, ‘yung role ko talaga rito sa ‘Area’. At saka kumbaga kasi, isa ito sa fullfillment ng mga dream role, ko ‘di ba? Noon ko pa sinasabi na gusto kong maging prostitute, gumanap na role na prostitute.”
Nag-expect ka ba na manalo ng award sa Eurasia?
Sagot ni Ai Ai, “No, hindi. Basta, ang talagang rason kaya ako pumunta roon, gusto kong ma-experience na maka-attend ng international film festival. First time ko kasi iyon, e.”
Hindi ka ba nanibago na from comedy ay biglang nag-drama ka rito?
“Nagda-drama rin naman talaga ko noong una… nagda-drama naman ako dati pa. Kaya lang, ang ‘Tanging Ina’ kasi is a dramedy, ‘eto kasing ‘Area’ ay straight drama. Pero may mga scenes na matutuwa kayo, kasi ‘yung dialogue.”
Ano ang mababago sa iyo sa Papal award mo, sa prinsipyo sa buhay, sa image?
“Siguro image wise, sabi naman ni Bishop Soc Tobias, he wants me to be normal. Normal pa rin daw (dapat) ako, ayaw niya raw na maging santa-santa ako.
“But of course ‘yung mga pari, siyempre sasabihin din naman natin na image wise, na hindi na ako puwedeng mag-tanga, puwede akong shorts-shorts. At saka siyempre, medyo iba na.
“Ganoon pa rin naman siyempre (‘yung brand ng pagpapatawa). Kaya lang siyempre, may kaunting nabago lang. Hindi naman kailangang lahat, hindi naman ako santa.
“Hindi naman porke nabigyan ako ng Papal award, perfect na ako. Hindi naman ako perfect, makasalanan ako. Pero sabi ko nga, ‘God is a forgiving God and our church, the Catholic church is a church of chances’. Kumbaga kahit makasalanan ako, mas nakita nila siguro kung paano ko idinivert ‘yung kasalanan ko to a good deed, para sa kapwa ko.”
Being a Papal awardee, hindi ka ba na-pressure magpakasal? “Sinabi ko na iyan sa interview ko, na nasa celibacy stage muna ako, so wala munang ano until may marriage.”
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio