MATAPOS NA MAGTAGO sa Cebu ng halos siyam na taon, muling lumitaw ang naging ‘kontrobersiyal’ na kasambahay ng broadcaster na si Korina Sanchez na si Bernardita ‘Edith’ Inocencio, 51 taong gulang.
Sa isang press conference na ipinatawag ng legal counsel ni Edith na si Atty. Junel Anthony D. Ama, inilahad ni Edith ang dahilan kung bakit ngayon siya lumilitaw – para raw humingi ng hustisya! Dahil nakatanggap diumano siya ng mga balitang may mga taong naghahanap sa kanya para i-serve na raw ang warrant of arrest sa nangyari sa kanila ng kanyang amo noong December 21, 2001 sa Bel-Air apartment ng nasabing broadcaster at ng kanyang dating kasintahan na nagngangalang Pol Aquino.
Sunud-sunod ang naging pag-uusisa ng media kay Edith. Dahil nakapagtataka naman daw na sa tagal ng panahon, kung kalian pa malapit na ang eleksiyon eh, saka lang siya lumitaw.
Ang rason ni Edith, hindi naman niya kayang tapatan ang yaman ni Korina. At ‘yun daw humahawak noon sa kanyang kao na si Atty. Batas eh, hindi na niya nakita. Ni hindi raw siya pinuntahan nito sa Cebu para alamin ang mga kailangan niya.
At sa pagmamagandang loob ng ilang mga tao na siyang lumapit kay Atty. Ama para siya tulungan at protektahan, ngayon lang daw muling lumakas ang loob ng nasabing kasambahay.
Hindi naman masabi ni Atty. Ama kung sino ang mga taong nasa likod ngayon ni Edith para ipursige ang paghahanap niya ng hustisya. Walang tigil na inusisa ito ng press, pero ang sagot lang ng nagbibigay ng pro bono services niya kay Edith eh, pribadong mga tao raw ang mga ito at walang kinalaman sa pulitika. At wala raw silang political agenda sa paglantad na muli ngayon ng dating kasambahay ni Ms. Sanchez.
Ikinababahala at ikinatatakot lang daw ni Edith ang isasampa sa kanyang warrant of arrest na kahit saan nga eh, puwedeng mangyari, kaya naman humingi na siya ng saklolo sa mga kinauukulan.
Antabayanan ang magiging buwelta ni Ms. Sanchez.
SA APRIL 24 na gaganapin ang ikalawang audition ng mga pumasa na sa unang sabak nila at mga napiling finalists sa Pilipinas Got Talent na hino-host nina Luis Manzano at Billy Crawford, kung saan naman judges sina Ai-Ai delas Alas, Kris Aquino at Mr. Freddie M. Garcia.
Isa sa pinalad na magkaroon ng chance na lumabang muli at magpakitang-gilas eh, ang bunga ng comedy bar na si Richard Villanueva. Hindi ikinaila nito na matagal na niyang kaibigan si Ai-Ai, dahil nakasama na niya ito noon pa sa Music Box. At isa ‘ata ito sa ipinupukol na intriga kay Richard nang sang-ayunan ng tatlong judges na pwede siyang pumasa sa nasabing kontes.
Hindi lang makayanan ni Richard ang mga batikos na inaabot niya sa mga networking sites, dahil sa panlalait na ng mga taong hindi naman kilala ang pagkatao niya.
Samantalang kung si Richard daw ang papalarin, buong-buo niyang ibibigay ang dalawang milyong mapapanalunan niya para makatulong sa AIDS Awareness. At nilinaw ni Richard na HIV-negative siya. At bunga naman daw ng mga naganap na sa ilan niyang mga kaibigan at kakilala ang siyang nag-udyok sa kanya para ‘yun ang maging goal niya para manalo sa sa PGT. At wala raw kinalaman dito si Ai-Ai, na nakita lang niya nang mismong sumalang na siya sa nasabing kontes.
Pinulaan kasi ang suot ni Richard nang mag-perform siya. At hindi na nga raw niya sinagot si Kris nang tanungin siya about it, dahil ang staff naman daw ng nasabing programa ang nagsabi sa kanya ng isusuot o gagamitin niya para maipakita na mula sa isang napaka-tabang tao eh, ilang timbang na ang nabawas sa kanya.
Wala raw ikinakaila si Richard sa anumang isinagot niya sa interbyu sa kanya tungkol sa kung sino siya. At hindi naman daw niya itinago na minsan eh, na-manage na siya ni Dondon Monteverde, pero matagal nang tapos ang kontrata niya rito.
Naku, marami na siguro ang nai-insecure sa kaibigan ni Jemuel Cainglet Salterio, kasi nga mismong sa bibig ni FMG nanggaling ang tanong kung bakit hindi pa siya nagiging recording star.
Tingnan natin kung ang ikalawang pagsubok eh, malusutan pa rin ni Richard!
The Pillar
by Pilar Mateo