YAYEY (as in Yaya) for all seasons ang komedyante na si Ai Ai de las Alas.
Aminado siya na kahit malalaki na ang kanyang mga anak na naka-base pa rin sa US (si Sancho na panganay niya na rito nakatira ang kasama niya) ay masaya pa rin siya na paglingkuran ang mga anak niya.
“Lalo na kapag dumadalaw ako sa kanila roon ay nagya-yaya pa rin ako sa kanila,” kuwento ni Ai Ai sa amin sa grand presscon ng bago niyang pelikulang “Our Mighty Yaya” na Mother’s Day presentation ng Regal Entertainment na sa May 10 na ipalalabas.
Happy ang komedyante sa ginagawa niya na paglingkuran ang mga anak niya.
“Parang lambing nila ‘yun sa akin. Okey lang, masaya ako dahil sa panahon na wala ako sa tabi nila, kahit papaano, napaglilingkuran ko sila,” sabi niya.
Si Sofia na bunso niya ay maagang nahiwalay sa kanya at doon na nga sa Amerika nag-aral.
“Ang mahirap sa kaso niya, bukod sa babae siya, bunso ko ‘yan. Baby na baby ko si Sofia.
“Kaya nga kapag kausap ko siya at may isinusumbong na sasabihin niya na kesyo may lagnat siya o may sakit sa katawan na nararamdaman, kung p’wede lang na maging Superwoman ako, lilipad ako para nandu’n ako sa tabi niya,” pagkukuwnto pa niya tungkol sa role niya bilang ina ng mg anak niya.
“Maaga rin akong nahiwalay sa mother ko na nagtrabaho abroad, kaya yaya rin ang nag-alaga sa akin,” kuwento pa ni Virgie (ang mighty yaya role ng komedyante) sa pelikula ni Direk Jose Javier Reyes.
Sa tipo ni Ai Ai, pakiwari ko, maganda siyang mag-alaga, na ang pag-aalag niya ay bunga ng kung ano man ang mga anak niya ngayon.
“Mga magagalang sila. Hindi sutil o pasaway,” pagmamalaki ni Ai Ai sa mga anak niya.
Actually, sa edad ng bunso niya, independent na ito na nasanay na sa buhay-Amerika. Pero kapag nand’yan siya, all out yaya ang role ng komedyante kay Sofia.
“Gusto ko namang alagaan ang mga anak ko dahil gusto ko. Parang paglalambing ko na rin ‘yun sa kanila,” sabi ni Ai Ai.
Kaya nga inggit siya sa mga ina na kasama ang mga anak nila sa paglaki at naaalagan nila ang ito.
“Sa kaso ko, ang layo nila sa akin. Ako naman, nandito sa Pilipinas dahil sa trabaho. Mahirap talaga, pero tiniis ko, para rin sa kanila,” sabi pa niya.
Sa bagong pelikula niya, makasasama ng komedyante sina Zoren Legaspi, Megan Young, Sofia Andres, Lucas Magallano, Allyson McBride, at Beverly Salviejo.