Ai-Ai delas Alas, pinaasa lang! Derek Ramsay, indiyanero?!

NATENSIYON SI AI-AI delas Alas sa hindi pagsipot ni Derek Ramsay sa show niyang the Biggest Laffter sa Zirko-Tomas Morato sa Quezon City last Saturday, October 29. Fund-raising project ito ng Philippine Movie Press Club, kung saan special guest sana niya ang aktor kasama rin ang Sakto Boys na sina Rodjun Cruz at Lucky Mercado.

Last minute na nang nagpasabi si Derek na hindi makakarating dahil may sakit daw. Good thing na kaagad namang pumayag si Erik Santos na maging pamalit sa aktor.

May mga nag-refund ng binili nilang ticket nang malamang hindi makararating si Derek. Pero nakakatuwa rin na may mga walk-in costumers namang bumili ng ticket kaya napuno pa rin ang nasabing venue.

“Ang hirap no’ng gano’n,” aniya nang makakuwentuha namin after the show. “Kasi what if… kunwari lang, ha… kunwari siya ‘yong bida, ako lang ‘yong guest… paano mo ie-explain? Mahirap kasing mag-explain sa tao, e. Mahirap talaga. Lalo na kapag nando’n sila, bumila sila ng ticket kasi gusto ka nilang makita, ‘di ba? Natensiyon ako.”

Paano siya naka-cope sa gano’ng nakakatensiyon na pakiramdam?

“Ay, kaya ko ‘yon. Pero sinasabi ko talaga na… ipa-apologize si Derek sa mga tao. Para… para for him din.”

Nangyari na ba ‘yon sa kaso niya na may commitment siyang hindi sinipot dahil masama ang kanyang pakiramdam o nagkasakit siya?

“Kapag hindi ko talaga kaya, sinasabi ko agad-agad, palitan na ako.”

Todo-energy si Ai-Ai sa pagpi-perfrom at pagpapatawa. Pero after the show, saka lang lumabas sa bibig niya na bago siya dumating sa Zirkoh, may sakit pala ang kanyang ina at isinugod niya ito sa ospital. Naitago niya na meron siyang iniinda kaugnay ng kalagayan ng kanyang ina.

“Nakaka-stress actually, pero… gano’n talaga, e. ‘Di ba? Alangan namang… hindi ka naman puwedeng mag-perform at umiiyak ka d’yan na… nagbayad ba sila para sabihin mong may sakit ang nanay mo? Siyempre hindi naman, ‘di ba? Minsan iyon ang ano ng artista, e. Gano’n talaga.”

Umaga pa lang, nag-tweet na sa Derek sa kanyang Twitter account ng… “I’m sorry Ms. Ai Ai, hindi talaga ako makakarating sa show.”

“Ang sagot ko nga nang tumawag si Derek sa cellphone para mag-sorry sa mga tao na nag-expect na darating siya at makikita nga siya… no apo-logy, just kiss me and don’t dare to fall in love with me!” Birong reaksiyon ni Ai-Ai na hiniram pa ang linya ni Anne Curtis na sinabi nito kay Derek sa pelikulang No Other Woman.

Ipinarinig nga ni Ai-Ai through speaker ng cellphone ang paghingi ng paumanhin ni Derek na sinundan niya ng joke sa aktor na… sayang, hindi ko mata-touch ang puwet mo!

May mga pabirong nagku-comment tuloy sa mga naroon sa Zirkoh na… hindi raw kaya natakot na pumunta si Derek at nagdahilan na lang na may sakit dahil baka i-touch-touch ni Ai-Ai gaya ng nakaugalian na niya sa ibang hunk actors na nakasama na niyang mag-show?

“Aba! It’s his honor! Ha-ha-ha-ha! Na… ma-touch ko siya!”

Sunod naming naitanong kay Ai-Ai ay ‘yong nasabi ni Vic Sotto recently na nagkatusukan na raw sila sa shooting ng Ang Tanging Ina Meets Enteng Kabisote. Ano bang tusukan ‘yong nangyari?

“Naghalikan na kami!” napahalakhak na sabi ni Ai Ai. “Kaso may twist do’n. Kaya do’n kayo manood kung bakit kami nagkatusukan.”

Masarap ba ang sinasabi nila ni Vic na tusukan na iyon? “Oo, masarap!” sabay tawa ulit niya.

Matagal? “Ah… very very light lang.”

May preparation pa ba siyang ginawa bago kunan ang tusukan scene nila na ‘yon?

“Meron naman. Siyempre nahihiya pa rin ako kay Bossing. Boss ko iyon, e. ‘Di ba, Boss ko ‘yon? Amo ko iyon, e. Nakakahiya pa rin. Siyempre parati akong nagtu-toothbrush,” napabungisngis si Ai Ai. “Nakakatawa kasi panay ang toothbrush ko talaga!”

Ganyan?

Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan

Previous articleTwo months na raw isinasalba ang relasyon John Lloyd Cruz at Shaina Magdayao, hiwalay na talaga?!
Next articleNa-Big-Time!

No posts to display