KAHIT LAGI NAMANG sinusu-werte si Ai-Ai delas Alas kapag mayroon siyang pelikulang kalahok sa pestibal, todong kaba pa rin ang kanyang naramdaman bago pa man maganap ang katatapos na Metro Manila Film Festival-Philippines, kung saan kasali nga ang kanyang pelikula. Una sa lahat, gusto niya talagang manalong best actress, pero matunog na si Jennylyn Mercado ang mananalo, dahil kakaiba nga raw ang dating ng acting ng girlfriend ni Dennis Trillo sa pelikula nito.
Hindi naman kasi plastic na tao si Ai-Ai. Sa mga panahon ng labanan at pagkukumpara sa kanya at sa iba pang artista sa showbiz, mabilis siyang maapektuhan kapag nakukulitan na siya. Ang nasa puso at isip ni Ai-Ai ay last na nga naman ‘yung sequel ng pelikula niya kaya itinodo na niya ang lahat niyang magagawang pagpapatawa para sa ikagaganda ng kanyang pelikula. Marunong siyang rumespeto sa kahusayan ng ibang artista, pero kapag alam niyang maganda ang kanyang ginawa, iiyakan niya talaga kung siya ay matatalo.
“Nakaraos na ako. Nanalo na ako, kaya salamat na lang sa Diyos. Pero ganu’n talaga akong kabahan kapag matindi ang labanan. Tensiyonado ang Lola n’yo. Eh, mababaw naman ako. Kung noon ngang kami ni Pokwang ang pinagkukumpara, nalulungkot ako kapag sinasabing laos na raw ako. Papaano naman akong hindi malulungkot, eh, tinatawag nila akong laos sa panahong wala naman talaga akong pinagkakaabalahang pelikula o sitcom. Pero okey na lahat ngayon, kahit si Pokwang, tsika na kami at okey talaga kami,” wika ni Ai-Ai.
BONGGA ANG PASOK ng bagong taon para sa movie career ni Aljur Abrenica dahil siya ang napili ng GMA-7 na magbida sa teleseryeng unang ginampanan noon ni Cesar Montano sa pelikula ng Seiko Films, na may panghatak na talaga sa mga manonood, dahil ito ay nagmula sa isang nobela sa komiks. Ginawan pa ito ng remake kung saan si Gardo Versoza ang sumunod na nagbida. Sa seryeng Komiks naman ng ABS-CBN, si Joseph Bitangcol ang naging Machete.
Ngayon pa lang, hinuhulaang papatok ang serye ni Aljur, dahil siya talaga ang bagay na magbida rito. Una sa lahat, bagay siya sa kanyang role, lalo pa’t pinagpapantasyahan ngayon ng mga kababaihan at mga bading sa showbiz ang kanyang kaguwapuhan at magandang katawan. Humingi na siya ng basbas kay Cesar para maging Machete, at kumbinsido ang husband ni Sunshine Cruz kay Aljur. Ang nakaaaliw pa kay Aljur, lalo pa siyang nagpaganda ng katawan para bumagay sa role.
Sineseryoso talaga ni Aljur ang kanyang trabaho. Hitsurang wala nga siyang panahon na mapag-usapan ang kanyang lovelife, dahil nagko-concentrate siya sa kanyang role. “Malaking hamon po ito sa akin, dahil sikat si Machete. Ayoko pong mapahiya sa mga unang nagbida rito, lalo na kay Cesar Montano. Kaya talagang pagbubuhusan ko ito ng panahon,” wika ng Kapuso star.
ChorBA!
by Melchor Bautista