AFTER THAT’S MY Doc, balik-telebisyon na naman ang Philippine Showbiz King of Romance-Drama Aga Muhlach sa isang romantic-comedy series na M3 (Malay Mo Ma-Develop) with Ai-Ai de las Alas sa direksiyon ni Jeffrey Jeturian. Ngayong natupad na ang pantasya ng Queen of Comedy na magkasama sila, ano ang pagkakaiba ni Aga sa mga guwapong actor na naging leading man niya?
“Open si Ai-Ai sa open relationship so, ganu’n lang siya. Tanggap niya kahit ano basta hindi raw niya sisirain ang pamilya ko, ‘yun ang pangako niya. ‘Yun ang kaibahan ko, nakaka-tense lang ng kaunti. Malay mo nga, hindi mo masabing puwedeng ma-develop. Masaya, masarap siyang kasama. ‘Yung expectation ko, tamang-tama, sakto, mas sobra pa nga,” say ni Aga.
“Tanging Ina pa lang kinukulit ko na si Manay Ethel (Ramos), finally makakasama ko na si Aga. Medyo matagal din kasing TV series ito. Bukod sa guwapo, sikat na actor, siya rin ang King of Romantic Drama, magaling pa siyang actor. Gusto ko namang mapasama sa magagaling. Wala namang aktress na gustong makasama ‘yung hindi magagaling, ‘di ba? Promise ko lang sa kanya, hindi ko sisirain ang pamilya niya basta huwag lang siyang magbibigay ng motibo kasi mahina ako, tao lang ako. Marami na akong kahinaang nagawa, gusto ko nang mag-sorry… ha-ha-ha!” Dugtong naman ni Ai Ai na hindi mapigilan sa katatawa.
Anong ibig ipakahulugan ni Aga sa sinabi nitong open si Ai Ai sa open relationship? “Marami kasi akong tanong kina Jojo (Alejar) at Aga, gusto ko all the way… Gusto kong aralin ang mga character ng bawat lalaki. Dapat ko ba silang kabuwisitan o dapat ko silang maintindihan? So, marami akong tanong sa kanila, kasi gusto ko rin naman maging successful ang relationship ko sa lalaki. Walang lalaki sa buhay ko ngayon,” tsika ni A-Ai.
Sanay ba si Aga na bastus-bastusin siya ni Ai-Ai habang magka-eksena sila? “Basta sa trabaho, ganu’n lang ‘yun. Ganoon din naman ako minsan, ano rin ‘yung pinaggagagawa ko at saka nagkakaintindihan kami kapag magkaeksena na kami. Masayang katrabaho si Ai-Ai, enjoy kaming lahat sa set,” say ni Aga.
May mga tsismis na madalas daw late kung dumating sa set si Aga, how true? “Sa totoo lang, ready na ako sa tsismis na sinasabing late siya kung dumating sa set. Marami akong dalang DVD, computer. Pero sa totoo lang grabe, kasi kung minsan nga nauuna pa siya sa akin sa taping. Hindi totoo ang tsismis, lahat ng tsismis sa kanya hindi totoo,” depensang wika ni Ai Ai.
Almost two years ding hindi lumabas sa telebisyon si Aga. “Naiiba itong TV show namin, series siya na may sinusundan, we make it to the point ‘yung istorya namin maayos. Naiiba ang role ko, successful real states developer na certified bachelor at the age of 38. Pagdating sa lovelife, takot sa commitment. The most important here when the people watch it ‘yung show namin may istorya naiiba masusundan mo siya. Puwedeng maiyak sila, matawa sila, ganu’n na aabangan nila every week kasi once a week lang kami lalabas. Si Ai-Ai jologs siya rito na single mother na handang pasukin ang lahat ng raket para mabigyan ng mas magandang buhay ang anak niya.”
Sa first taping kaya nina Aga at Ai-Ai, nagkailangan kaya ang dalawa? “Maganda naman ang kinalabasan, ‘yung first na eksena namin, nagpapakiramdaman kami. Kung naiinis ako, ‘yung totoong naiinis ako ang ipinapakita ko. Kapag nasasaktan siya kailangan ipakita ‘yung emotion na nasasaktan siya. Minsan naluluha siya, may mga ganu’n. So, gusto naming ma-achieve na ‘yung mga tao, mahalin ‘yung character namin. Kung ano ang nangyayari sa amin, kung may nakakatuwang eksena, matutuwa sila, kung may malungkot na nangyari sa amin, malulungkot din ‘yung viewers namin,” pahayag ni Aga.
Sabi nga, very secured na raw ang financial status ni Aga kaya kahit hindi siya gumagawa ng pelikula at lumabas sa TV kayang niyang buhayin ang kanyang pamilya. “Hindi naman sa ganoon, kailangan ko pa ring magtrabaho. Pinag-iisipan kong mabuti ang project na dumarating sa akin, pinag-aaralan ang script, ‘yung character kung babagay pa sa akin. Kahit minsan lang ako gumawa, I really make it sure na worth doing it. Parang ganoon, hindi ko rin alam, steady lang …” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield