BALI-BALITA NA ngang nagpakasal na diumano ang Comedy Concert at Comedy Box-Office Queen na si Ai-Ai delas Alas sa kanyang non-showbiz boyfriend na si Jed Alvin Salang sa Las Vegas. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin ito kinukumpirma ni Ai-Ai.
Sa kanyang mga nakaraang interview pag-uwi nito sa Pilipinas from Las Vegas, laging ‘no comment’ ang tanging sinasagot niya sa mga nagtatanong tungkol sa balitang kasalan.
Noong Sabado, sa Ang Latest, may mga ‘makahulugang sagot’ si Ai-Ai via live phonepatch sa mga tanong naman ng hosts ng show na sina Cristy Fermin, Amy Perez, Mr. Fu at Lucy Torres-Gomez.
Sa isyu ng kasalan sa Las Vegas, atubiling tumugon si Ai-Ai. “Ah, sinabi ko na ‘to kay Nanay (Cristy). Alam n’yo namang mahal na mahal ko si Nanay, kaya ang sabi ko sa kanya ‘Nay sa buhay ko ngayon, gusto ko muna gawing pribado ‘yan, so hindi ko muna sasagutin.”
Paliwanag naman ni Cristy, “At Ai Ai dalawang bagay ‘yan, eh. Ang pagsagot ng ‘no comment’ ay puwedeng hindi totoo, at puwede rin namang naghihintay lang tayo ng tamang pagkakataon na bago natin ibulalas ang katotohanan.”
Pagsang-ayon naman ng magaling na komedyana, “Yes tama yan ‘Nay, tama talaga siya. Yun na yun, natumbok mo.”
Sa tanong naman ni Cristy kay Ai Ai tungkol sa paglipat daw sa TV5, “Ay, dyusko, susmaryosep! Hindi ko pa po alam, ‘Nay, kasi kakapirma ko lang n’yon (contract) sa Star Cinema. Pero ‘yung sa telebisyon, mag-e-expire na siya sa December. So, hindi ko pa alam ,‘Nay, tingnan natin ‘pag ano na, ‘pag bandang December na.”
Tanong naman ni Amy, “Kumusta naman ang mga bata sa pag-ibig mong ito, na bago, I’m sure mas masaya sila?”
Tugon ni Ai Ai, “Oo, and kasundo naman nila. Kasi ‘yung dalawang bata (Niccolo and Sophia) nasa Amerika na, eh. Si Sancho na lang natira rito tsaka ‘yung baby boy ko na maliit.”
Sunod na tanong ni Cristy, “Ai-Ai, kasi alam ng publiko ang kuwento nang pakikipagrelasyon mo. Ito bang pag-iibigan n’yo ni Jed ay tatapos na sa isang istorya ng buhay mo na inilantad mo noon?”
Paglilinaw niya, “Ah hindi ko pa rin ma-sabi, ‘Nay. Kasi una sa lahat, kasi siyempre gusto ko pa rin namang mag-artista ‘Nay, ah, buhay ko ‘to, eh. So parang hindi, hindi ko naman maiiwanan ‘to, tsaka siyempre nag-aaral pa ‘yung mga bata. Ano ‘yung ipambubuhay ko sa kanila eh, pag-aartista lang naman ang alam ko? Although grumadweyt naman ako, kahit hindi naman ako mukhang grumadweyt. Eh, siyempre, gustung-gusto kong mag-artista, mahal na mahal ko ‘tong showbiz.”
Isa rin sa mga inaabangang pelikula tuwing Metro Manila Film Festival ay ang mga pelikulang pampamilya na pinagbibidahan ni Ai-Ai. Pero sa taong ito, ‘absent’ daw muna siya sa taunang filmfest.
Panghihinayang niyang paliwanag,’ “Hindi eh, hindi ako kasali ngayon, baka next year pa. Eh, kasi noong nag-usap kami about movie ko with Bossing Vic (Sotto) tsaka ni (Senator) Bong Revilla, ‘yun ‘yung panahon na wala akong… wala pa akong kontrata sa Star Cinema ulit. Pero ngayon ‘di ba, nakapirma na ako? May provision du’n na next year na ako gagawa (ng pelikula). Kaya hindi ko na magagawa ‘yung kay Bossing at ‘yung kay Bong Revilla.”
Ang pelikulang tinutukoy ni Ai-Ai ay ang Si Agimat, Si Enteng Kabisote and Si Tanging Ina, na ngayon ay naging Si Agimat, Si Enteng Kabisote and Me na at si Judy Ann Santos na ang gumanap sa role na sana ay para sa kanya.
Bago pa nagtapos ang phonepatch kay Ai-Ai, may pahabol namang tanong si Cristy sa kanya. “Ai, bago ka namin pakawalan, ano ang gagawin mo sa December 8? Nasan ka sa petsang ‘yan?”
Natatawang sagot ni Ai Ai, “Sa Palawan ako, ‘Nay.”
Pahabol pang tanong, “Ai, puwede bang sumunod kami sa Palawan?”
“Hayaan mo, ‘Nay sasabihin ko,” pagtatapos ni Ai-Ai.
Hula ko lang, isang engrandeng selebrasyon ang magaganap sa Palawan. Ito na kaya ang kasalan nila ni Jed? Hula lang po!!!
Sure na ‘to
By Arniel Serato