BALAK NANG TUMAKBO sa pulitika by 2016 ang Comedy Queen at lead actress sa Metro Manila Film Festival entry na Enteng ng Ina Mo, at birthday girl na si Ai-Ai delas Alas, at humihingi na nga ito ng advice sa kanyang kaibigang si Gov. Vilma Santos-Recto, kung saan gusto nitong tumakbo sa pagka-mayor or councilor.
“Sabi ko kasi kay Ate Vi, plano kong tumakbo. Sabi niya, ‘kung marami ka pang ginagawa sa showbusiness, marami kang isa-sacrifice ‘pag nag-pulitika ka na. Kasi ang dami mong iintindihin, lalo na kung mayor ka, parang nanay ka ng buong bayan. Paano mo gagawin ‘yun kung nagsu-showbiz ka at magte-taping ka’. So, mahirap talaga.” Kaya sabi niya, ‘kung papasok ka sa pulitika, kailangang hindi ka na busy sa showbiz’.”
Balak daw ni Ai-Ai na tumakbo sa Manila especially sa Tondo kung saan siya lumaki. Marami raw kasi siyang ‘di magagandang nakikita na gusto niyang baguhin.
“Sa Manila ko gustong tumakbo, kasi taga-Tondo naman ako. Taga-Tondo ako nu’ng bata ako. Puwede rin sa Tayuman. Puwedeng councilor or congresswoman, ‘wag namang senador, masyadong mataas. May mga nakikita ako sa kapaligiran natin, may mga gusto akong baguhin, pero ‘di ko magawa, kasi wala ako sa posisyon. I’m sure ‘pag nasa posisyon ako, may magagawa ako,” pagtatapos ni Ai-Ai.
BUKOD SA MAGALING umarte at sumayaw, magaling ding kumanta ang isa sa cast ng The Road na si Lexi Fernandez, kung saan maraming nagkagusto sa kanyang sariling version ng ‘Back To December’ na original song ni Taylor Swift at isa sa awiting nakapaloob sa Tween Academy album.
Dream nga raw ni Lexi ang magkaroon ng sariling album, kaya naman daw by 2012, ito ang ipupursige ni Lexi na magkatotoo. Gusto raw nitong kumbinasyon ng mga revival at original songs ang naglalaman ng kanyang album, dahil mas maganda raw na may sarili siyang kantang sisikat at kakantahin din ng ibang tao.
Sa ngayon daw, may Chirstmas song si Lexi na kasama sa Christmas album ng Tweens na mabibili na ngayong buwan ng Disyembre . Busy rin si Lexi sa promotion ng GMA Films na The Road, na pang-international ang pagkakagawa ni Direk Yam Laranas.
SA WAKAS, NAGSALITA na si Kuya Germs Moreno kaugnay sa pangungulit ng kanyang mga listeners sa kanyang radio program sa DZBB 594 na Walang Siesta, kung nagtatampo raw ba ito kay Nora Aunor, dahil sa pagpirma nito ng kontrata sa TV5 ay ‘di na kasama si Kuya Germs.
Ayon kay Kuya Germs, hindi naman daw siya nagtatampo kay Ate Guy, dahil wala naman daw rason para magalit siya o magtampo rito. Kung ano raw ang pagtitinginan nila ni Ate Guy, walang mababago rito.
May mga tao lang daw na pilit silang iniintriga ni Ate Guy, pero kahit daw anong gawin ng mga ito, hinding-hindi sila papaapekto at mananatiling close sa isa’t isa, ano man ang mangyari.
IKINUWENTO NG YOUNG actor na si Hiro Magalona, na during shooting daw nila ng pelikulang Shake, Rattle & Roll 13 ‘Parola’ episode ng Regal Films na kinunan sa Calatagan, Batangas, hindi nito maiwasang kilabutan everytime na aakyat sila sa parola kasama sina Kathryn Bernardo at Louise Delos Reyes.
Feeling daw ni Hiro ay may totoong multo sa parola, kaya naman daw bago siya umakyat doon ay nagdarasal ito, lalo na’t mostly ng eksena niya ay sa parola dahil siya raw kasi rito ang nakakaalam ng sikreto at kababalaghang bumabalot sa parola.
Kaya naman daw inaanyayahan nito ang mga tao na manood ng Shake, Rattle & Roll 13 ngayong December 25, kung saan isa sa entry ang kanilang pelikula sa taunang MMFF, para raw makita ng mga manonood kung gaano nakakatakot ang parola.
John’s Point
by John Fontanilla