CONGRATS SA bumubuo ng Dyesebel dahil nangunguna lagi sa prime time ratings game ang naturang fantaserye.
Juice ko, kung alam n’yo lang na parang hindi na uso sa staff at ilang artista ang salitang “tulog” para lang maihatid sa mga manonood ang kakaibang kuwento ni Dyesebel.
Si Ai-Ai delas Alas nga ay hindi na makuhang magreklamo kahit konti lang ang tulog. “Juice ko, mare. Ikaw na ang bumabad sa dagat. Pero trabaho ‘to, mare. Me kontrata ako, kaya para lang akong sundalong sumusunod sa ipinag-uutos. Super blessed pa rin, ‘di ba?”
Oo nga naman. Meron nga kaming kilalang artista noon. Juice ko, matatapos na lang ang teleserye ay kailangan pang ipagmakaawa ng staff sa artistang ito na bigyan na lang sila ng 3 more taping days at tapos na siya. Eh, kasi naman ang artistang ito, ayaw na talaga. Ilambeses na ngang nag-walkout, pero ‘yung tatapusin na nga lang ang serye, pahirapan pang pakiusapan siya.
Kaya ayun, awa ng Diyos, wala na ring career ngayon.
KAYA KUNG minsan, hindi namin maintindihan kumbakit ikinalalaki ng ulo ng ilang artista ang success at fame. Ang buong akala nila ay wala na itong katapusan at hindi na sila mapapalitan ng mga bagong sibol.
‘Pag pinabayaan mo talaga ang blessings at hindi mo ito minahal at inalagaan ay ikaw na rin ang gumagawa ng paraan para ito’y mawala sa ‘yo.
Lalo na sa ilang bagets ngayon na pumi-primma donna sa set na porke an’daming commercials at in demand, kung makaasta, parang hindi galing sa wala noong araw.
Kaya kami, ang iniisip na lang namin para mas maintindihan ang mga ganitong klaseng artista ay ‘yung sinabi ni Direk Edgar Mortiz na, “Ibigay na lang natin sa kanila ang paglaki ng ulo. Normal na ‘yan, eh. Kelan pa lalaki ang ulo niyan, ‘pag laos na?”
Hahahaha! Ikaw na talaga, Direk Bobot!
Oh My G!
by Ogie Diaz