HAWAK PA RIN ni Ai Ai Delas Alas ang korona sa pagiging “Box-Office Queen” dahil sa mga blockbuster niyang pelikula. Itinuturing din siyang Comedy Queen. Ibang klase kasi ang galing niya pagdating sa comedy. For the first time, magkakasama sila ni Sharon Cuneta sa pelikulang Best Friends Forever with John Estrada sa direksiyon ni Wenn Deramas. Siguradong riot na naman ito sa takilya. Through the years napanatili ni Ai Ai ang kanyang kasikatan magpahanggang ngayon.
“Balanse si God, wala akong asawa pero ‘yun nga, sabi ni Direk Wenn, kailangang i-maintain ko. ‘Yun ang mahirap, i-maintain mo ‘yung status, mahirap din ang nasa itaas, ang tendency noon bababa ‘yun kapag hindi mo iningatan.”
Happy ngayon si Ai Ai sa takbo ng kanyang showbiz career kahit zero ang lovelife. “Kapag sa career ibinibigay ni Lord talaga, ‘pag salove, I think may ibang plano si Lord, nararamdaman ko ‘yun. I think balang araw preacher na lang ako, magiging tagapagsalita ako ng kongregasyon, parang kay God ako, feeling ko lang. Ginagawa ko, pero hindi ‘yung in full force kasi nagtratrabaho pa ako. Pero later on kapag semi-retire na ako sa showbiz, parang ‘yun ang gusto kong gawin.”
Paano ba makipagusap si Ai Ai kay God? “Parang tatay, parang asawa, iba-iba, parang kaibigan, barkada, minsan baklang-bakla rin. ‘Naku! Lord, nakakaloka, ganu’n, tapos minsan naman, Papa God, minsan tatay kita, minsan asawa kita, ngayon bilang asawa bantayan mo naman ang mga bata, ganu’n. Iba-ibang way ko kinakausap si God.”
‘Yung pagiging Comedy Queen, paano niya napananatili? “Iniingatan ko naman. Palagi kong dasal, ‘God, kung anuman ‘yung magic na ibinigay mo sa akin, kung hindi ako deserving, tanggalin mo na. Pero kung deserving ako, sana nand’yan pa rin ako para makapagpaligaya pa ako ng sambayanang Pilipino.’ Totoo ‘yun!”
Anong maaasahan sa tambalang Sharon at Ai Ai? “Mahal na mahal ko si Mega, mahal na mahal din niya ako kaya ang tawagan namin ngayon BFF. ‘Eto grabe, abangan n’yo ang away namin ni Mega, nang na-discover na niya ang lahat-lahat. ‘Yung encounter namin ni Mega, maganda talaga ‘yun, personalan. Abangan din ninyo ‘yung sweet moment namin. Dito ipinakikita ang magic ng friendship. Marami ring matututuhan ang mag-asawa at saka ang mag-ina. As a friend, matagal na kaming chika pero ‘yung pagiging close, ngayon pa lang kami nagiging close talaga,” pagmamalaking sabi ni Ai Ai .
After ng movie nila ni Sharon, sisimulan namang gawin ni Ai Ai ang pelikula nila ni Joseph Estrada under Star Cinema na ilalahok sa Metro Manila Film Festival. “Sobrang flattered ako,well-appreciated ko siya. Una sa lahat, siya ‘yung nagsabi na ako talaga ang box-office queen. Sabi ko, it’s an honor na ang ating former president ang nagsasabi sa akin ng ganyan. Maraming salamat, sabi ko sa kanya. Hindi ko nga alam na nag-meeting na sila ng Star Cinema, doon niya sinabing matutuloy na ‘yung movie namin.”
Halos lahat ng big stars sa movie industry nakatrabaho na ni Ai Ai, sino pa kaya ang gusto niyang makasama sa pelikula? “Sana si Vic Sotto, Tito Dolphy at Ate Vi (Vilma Santos) makatambal ko sa movie, ‘yan pa ang mga dream ko.”
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield