BLIND ITEM: SUPER hate ng isang guwapong aktor ang kanyang legs, sa totoo lang. Kung ano’ng inilaki at iginanda ng matipuno niyang katawan ay siya namang itsiniken ng legs niya.
Eh, ang projection niya kasi ngayon (bilang pagsubok sa bagong image) ay action star siya. Kaya naninipisan siya sa kanyang binti.
‘Pag naka-maong siya, bumabakat ang nipis ng binti niya, and he hates it. Really.
Kaya ‘pag magte-taping siya, alam n’yo ba kung ano ang ginagawa niya? Dalawang maong ang suot niya para magkaroon ng kapal ang binti niya at umusli pa ang puwet niya.
Kaya ang mga bading sa set, medyo napapatingin din sa kanyang “kargada” dahil “Felix Bakat” ang drama nito. ‘Yun pala, magkapatong na maong ang kanyang suot-suot.
Kami naman, hindi namin ito ibina-blind item para pagtawanan ito. Siguro, bahagi na rin ito ng kanyang career level-up, kaya kesa mag-spend siya ng matagal na workout sa chicken legs niya ay niremedyuhan na lang niya.
Ang makahula nito, bibigyan ko ng virtual flower.
“AKALA KO TALAGA nu’ng una, galit sa akin si Mayor, pero when you told me na friend mo si Mayor at okay sa kanyang mag-courtesy call ako sa kanya, that’s what I did.
“In fairness, winelkam ako ni Mayor. Natutuwa nga siya, dahil nagkita kami. Mabait si Mayor, mother,” tsika sa amin ni Aiko over the phone.
Sinusulat namin ‘to kahapon ay nagte-taping si Aiko ng Reputasyon (starring Cristine Reyes) sa munisipyo ng San Miguel, Bulacan at tamang-tama na nandu’n si Mayor Roderick Tiongson.
Gumaganap na asawa ng governor (played by Emilio Garcia) si Aiko at sa San Miguel, Bulacan ang taping.
“May ibang mayors nang nagtatawagan sa akin para sabihing binabawi na nila ang persona non-grata sa akin dito sa Bulacan. And one of them is Mayor Tiongson, sobrang grateful ako sa kanya, dahil naintindihan niya ang pinagdadaanan ko.”
ANG BILIS NG technology, grabe. Dati-rati, since sanay kami sa makinilya o typewriter, iniisnab pa rin namin ang computer. Pero na-realize namin noon, kung hindi kami sasabay sa agos, lalong hindi namin maiintindihan ang mga nagaganap sa paligid.
Eh, syokot pa naman kami sa cliche nang “You cannot teach old dogs new tricks.” Kailangan, open-minded kami. Whether we like it or not, kailangan ding kaming matuto sa mga bagong gadgets para magmukha kaming bagets at heart at hindi kami malipasan ng panahon.
Actually, hindi lang naman dapat sa takbo ng teknolohiya ka sumasabay, eh. Sabay ka rin dapat sa trend (kahit hindi sa outfit). Trend as in kung ano ang uso ngayong ugali.
Kung salbahe ka noon, pakabait ka na ngayon. Kung mabait ka na ngayon, mas magpakabait ka pa, dahil ‘yon ang kalugud-lugod kay Lord.
‘Wag paurong ang pagtanda. Hindi na uso ‘yung kailangang mag-imbento ka ng paninira para lang sirain ang reputasyon ng isang kinaiinisan mo.
Kung gano’n ka nu’ng araw, ngayon naman, ipagpasa-Diyos mo na. ‘Wag ka nang gumanti, dahil ‘pag naisip mong gumanti, para ka na ring naniwalang natutulog lang ang Diyos.
Sa panahon ngayong kung anu-ano ang sumusulpot, lalo na’t kung anu-ano ang nauusong sakit na nu’ng araw naman ay walang gano’ng uri ng sakit, ba’t hindi natin gawing makabuluhan ang stay natin sa mundo bago man lang tayo kunin ni Lord, ‘di ba?
Baka naninibago kayo sa amin, ha?
Kung dati’y mataray kaming reporter, ngayon, we choose our battle. ‘Pag nagagalit kami, dapat, karapat-dapat ang galit namin.
Lagi na lang naming iniisip na, “Ayaw ng wrinkles ng ganyan!”
Higit sa lahat, kaya nating gawin ito nang walang bayad para magaan lang ang buhay as in good vibes lang. Ngumiti ka.
Now na.
Oh My G!
by Ogie Diaz