Walang kaso kay Aiko Melendez kung malinya man siya ngayon sa paggawa ng indie films. Mula nang nagbida siya sa “Asintado” ni Direk Louie Ignacio na nanalo siyang Best Actress sa International Film Festival Manhattan 2015 at London International Filmmaker Festival of World Cinemas, sunud-sunod na indie projects na ang ginawa niya.
Kabilang dito ang “Iadya Mo Kami” starring Allen Dizon at “Balatkayo” na kapwa para sa BG Productions International. Ngayon naman ay pagbibidahan ni Aiko ang isa pang indie advocacy film na pinamagatang “Tell Me About Your Dream”, katambal si Raymond Cabral.
Ito’y sa ilalim ng Golden Tiger Films at pamamahalaan ni Direk Anthony Hernandez. Isasali ang naturang proyekto sa film festivals sa Sydney, Australia, at Orange Film Festival sa Turkey.
Ano ang role niya sa pelikula?
“I played the role of Divina, teacher ako rito na dedicated sa trabaho, na even my own kids ay talagang minsan ay nag-suffer dahil sa sobrang pagiging dedicated ko bilang teacher.
“Nang time na nag-decide akong magbalik sa teaching sa mga Aeta, sa mga bundok-bundok iyon e, mayroon akong isang estudyante na naaksidente. Doon na iikot ang story, hanggang sa natanggal ako bilang teacher, na-depress ako and then something will happen in the end.
“But ang moral of the story, at the end of the day ay bayani talaga ang mga teacher. Iyon ang makikita rito, dahil ‘yung love and dedications nila, kahit hindi nila kamag-anak o kaano-ano, iyong pagmamahal nila, they will give it kahit walang monetary in return,” saad ni Aiko Melendez.
Idinagdag pa ng aktres na iba ang nararamdaman niyang fulfillment kapag nakagagawa ng makabuluhang indie film.
“Kung iisipin mo talaga, Kuya Nonie, ang indie ay walang budget talaga iyan, hindi ka talaga yayaman dito. Sacrifice iyan, kung sasabihin mo na compensated ka salary wise, hindi, hindi talaga. Iyong sa gas na lang, e…
“Pero it’s your dedication as an actress, sa iyong craft, iyong fulfillment, iba e. It’s priceless na siguro, it’s something na not even any mainstream can even compare how I feel.”
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio