UNANG INDIE film ni Aiko Melendez ang Asintado na idinirek ni Louie Ignacio. Isa ito sa mga entry sa Cinemalaya.
“Sobrang happy and blessed ako,” aniya. “Kasi it’s the 10th year anniversary presentation of Cinemalaya. Kaya masayang-masaya ako. First time ko na magkaroon ng entry for Cinemalaya.”
Kasali rin sa Cinemalaya ang pelikulang Hustisya ni Nora Aunor at posibleng maging magkalaban sila for best actress.
“Ano ba naman ‘yan? Huwag n’yo na akong tensiyunin, ‘no?” sabay tawang reaksiyon ni Aiko.
“Siyempre, Ate Guy is Ate Guy. ‘Di ba? I have so much respect for Ate Guy. But this is a competition. At confident naman kami na maganda rin ‘yong pelikula namin. In the same way na maganda rin ‘yong Hustisya.”
Limang taon din na hindi nakagawa ng pelikula si Aiko. Nitong mga nakaraang panahon kasi ay teleserye ang kanyang pinagkaabalahan.
“Mapalad ako kasi ang direktor ko rito sa Asintado ay si Direk Louie (Ignacio). E, naging masyadong pasensiyoso sa akin. Na binigyan niya ako ng freehand. And kapag meron siyang gustong idagdag sa akin, sinasabi niya kaagad sa akin. Kaya I’m very happy.
“I play the role of Julia. Ano ko si Jake (Vargas) at si Migs (Cuaderno). Meron akong special child na anak portrayed by Migs. Na magaling siya sa pagtitirador kaya Asintado ang title no’ng movie. And si Jake naman, involve sa drug sindicate.
“After nitong Asintado, meron akong binabasang script for a movie pero I can’t reveal yet. Tapos meron din akong gagawing bagong soap sa ABS-CBN. It’s with Erich (Gonzales) and Enchong (Dee). Pero hindi ko pa puwedeng sabihin ‘yong ibang detalye.”
Kumusta naman ang estado ng kanyang lovelife sa ngayon? “Wala. Single. Dating.”
Dating as in… she’s going out with guys na nagpaparamdam manligaw sa kanya?
“Ano… I’m trying to mingle with other people. I’m trying to get to know them. But I always go out sa group. So, ‘yon.”
Ngayon, maganda ang samahan nila ng ex-husband niyang si Jomari Yllana bilang magkaibigan. Tuloy ay may mga nag-iisip na baka possible pa rin na magkabalikan sila lalo at pareho naman yata silang single nowadays.
“E, kasi gano’n naman talaga dito sa Pilipinas. Kung sino ang naghihiwalay pinagbabalikan nila. Pero kapag magkarelasyon naman, pinaghihiwalay nila. So, I guess iyon ‘yon, e. Kami ni Jom ngayon, we’re better off as kung anong meron kami ngayon. Okey na kami ro’n.”
‘Yong sa ngayon nga yata ang pinakamagandang naging estado ng samahan nila ni Jomari as friends mula nang naghiwalay sila?
“Oh, yeah! Even with Martin (Jicakin), my ex-husband… I’m very in good terms with him. Even the wife of Martin. The wife is ka-text ko everyday. So, parang lahat is falling into its right places.”
Nag-aartista na rin ang binatilyong anak nila ni Jomari na si Andrei. Inaasahan na isa sa mga araw pang darating ay may ipapakilala nang girlfriend ito sa kanila?
“Meron siyang mga ka-text-text. Pero… hindi ako in favor na magka-girlfriend na siya. Kasi ang usapan naming talaga… at least after high school. He’s fifteen. Third year siya. So, sabi ko… tapusin muna niya ang high school. At saka siya mag-girlfriend.”
May plano ba siyang sumabak uit sa politika?
“I’m not closing my doors. In fact I do have an offer to run again in Quezon City as councilor. So, I’m still weighing my options open. Para anything can happen.”
Kumusta naman sila ni Ara Mina na siyang girlfriend ngayon ng ex-boyfriend niyang si Patrick Meneses?
“We don’t get to see each other. Wala kaming chance na magkita.”
Ano ang saloobin niya ngayon kay Ara na buntis na at si Patrick nga ang ama ng dinadala nito?
“Ayoko nang mag-comment!” tawa ulit niya. “Kasi… baka ma-misintrpret pa ako. Even if I mean well. Quiet na lang ako.”
Si Ara ay naging botfriend din dati ni Jomari. So, hindi lang once but twice na ang ang lalaking na-involve kay Aiko ay sunod namang nakarelasyon nito.
“Quiet na lang ako,” nangiting reaksiyon na lang niya. “Ayoko nang mag-comment. Ayoko na!” tumatawang huling nasabi na lang ni Aiko.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan