BAKIT KINAILANGANG i-repair ang isang makina na wala namang sira at maayos na gumagana? Sa kaso ng bagong campaign slogan ng Department of Tourism (DOT) na “It’s More Fun in the Philippines”, malayong mas maganda ang dating slogan nito na WOW Philippines. Mas mabilis na nakakakuha ng atensyon – malakas ang dating at naaangkop sa paglalarawan ng ating bansa dahil tunay naman talagang kamangha-mangha ang mga tourist destination sa Pilipinas.
Kung may dapat mang baguhin, ito ay ang mga pag-uugali ng ating mga pulitiko na parang mga aso na kapag nakakita ng isang bagong puno, aamoy-amuyin at saka iihian niya ito para mapatungan ng kanyang panghi ang amoy na iniwan ng kapwa niya asong nauna nang umihi rito. Ginagawa ito ng mga aso upang markahan ang punong inihian niya bilang kanya nang teritoryo.
Marami na tayong nakikitang mga magagandang imprastraktura at proyekto na giniba at binago ng kauupo lamang na pulitiko dahil gusto niyang burahin ang mga alaala na iniwan ng mga pulitikong pinalitan niya. Ito ay kahit na malaking pera na nagmula sa kaban ng bayan ang ginastos dito. At kahit pa ito ay labis na pinapakinabangan ng mga mamamayan.
Ang importante kasi sa isang pulitikong tulad nito, tulad ng isang aso, ay ang ipabatid sa mga mamamayan ang kanyang marka – marka ng kanyang pangalan at kapangyarihan. Ang dapat sigurong gawin na lang na bagong slogan ng DOT ay ang “Only in the Philippines”. Dahil dito lamang sa Pilipinas makikita mo na ibinabandera ang pagmumuka ng mga pulitiko sa mga ambulansiya, basketball court, waiting shed, barangay outpost, atbp.
Dito rin lang sa Pilipinas matatagpuan mo ang mga klase ng pulitiko na gumagastos ng malaki para sa mga streamers at banners na makikita ang kanilang mga nakabungisngis na mukha at bumabati ng “Happy Fiesta”, “Happy New Year”, “Happy Easter”, “Happy Valentines” etc., sa mga mamamayan. Lahat ng okasyon na puwedeng gamitin ay ginagamit ng mga pulitikong ito para maipakita ang kanilang marka – sa muli tulad ng isang aso.
ANO NA ang nangyari sa pangako ni Ang Galing Partylist Representative Mikey Arroyo na kapag naluklok sa puwesto, tutulungan niya ang mga security guards? Simula nang manalo si Mikey, wala pa akong nababalitaang batas na kanyang ipinanukala para mapabuti ang kaawa-awang kalagayan ng mga security guards.
Pagbungad nitong taong 2012, mas dumami ang bilang ng mga security guards na pumupunta sa WANTED SA RADYO Aksyon Center kumpara sa nakaraang taon. Pare-pareho palagi ang kanilang mga reklamo. Ito ay ang sobrang baba na pasahod, sobrang oras sa pagtatrabaho na walang bayad sa overtime, hindi nabibigyan ng 13th month pay at hindi paghuhulog ng kontribusyon sa SSS, at hindi rin pagbigay ng iba pang benepisyo.
Pero ang pinakamasaklap ay ang pinagnanakawan pa sila ng kanilang mga amo. Kinakaltasan sila tuwing suweldo para sa SSS pero hindi naman naire-remit dito.
Ang inyong SHOOTING RANGE ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, 2-4pm sa 92.3fm Radyo5 sa programmang WANTED SA RADYO. Ito ay nakasimulcast sa AKSYON TV Channel 41. Para sa inyong mga sumbong at reklamo magtext sa 0917-7-WANTED. Maari din kayong dumulog sa WSR AKSYON CENTER na matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia St. Quezon City, Lunes hanggang Biyernes 9-4pm.
Shooting Range
Raffy Tulfo