BAWAT KABATAAN ngayon ay may iba’t ibang life goals. Motto na nga nila ngayon, YOLO o You Only Live Once kaya naman lahat ay gustong subukan. Nangunguna diyan ang mountain climbing. Kahit delikado man, gusto na ring suungin. Gusto rin nilang mag-cliff diving, sky diving, paragliding, camping, at kung anu-ano pa. Sa madaling salita, gusto nila ang mga buwis-buhay. Marami man ang checklist ng mga bagets, lahat naman ay iisa lang ang tinutukoy. Ito ay traveling o maglibot sa buong Pilipinas at sa buong mundo. Kasabay ng pag-ikot sa mga magagandang lugar ay ang pagsubok sa mga kakaibang experience gaya na nga ng aking mga nabanggit.
Isang malaking hadlang sa pag-YOLO o pag-travel ay ang mga gastusin. Siyempre, nariyan ang gastos sa pamasahe, sa pagbili ng pagkain, sa mga entrance fees at ang lodging o ang pagtitirhan. Kaya kung makakukuha ka ng diskwento lalo na sa lodging mo, aba laking tipid na rin ito. Kaya naman laking pasalamat ng mga bagets dahil sa panahon ngayon na nahihilig ang lahat sa pag-travel, nariyan ang website na Airbnb na magbibigay sa iyo ng sulit na sulit na titirhan mo sa iyong pagbabakasyon.
Para sa mga hindi pa nakaaalam, ano nga ba ang Airbnb? Simple lang. Ito ay isang website, kung saan ikaw ay makahahanap ng sulit na lodging rentals. Mayroon itong humigit-kumulang dalawang milyong listings sa 34,000 na siyudad sa 190 na bansa. O ‘di ba, tignan ko lang kung hindi ka makahanap ng swak na swak sa budget at sa pupuntahan mo.
Ang kinagandahan sa Airbnb, dahil nga may halos dalawang milyong listings ito, hinding-hindi ka mauubusan ng matitirhan. Kadalasan pa nga, makahahanap ka pa ng mas mura pero maganda ring titirhan. Sulit, ‘di ba?
Bakit kaya ngayon lang natin nalaman ang Airbnb? Taong 2008 pa pala ito nang unang naimbento. Ang nakatutuwa pa rito, nagsimula ang konseptong Airbnb o AirBed and Breakfast noong mga mismong founders nito, na sina Joe Gebbie at Brian Chesky, ay hindi makahanap ng hotel dahil sa market saturation. Ito ay mga panahon na may malaki silang event na a-attend-an. Noong mga panahon din na iyon, hindi nila afford ang mga mahal na lodging rentals sa San Francisco. Kaya ang ginawa na lang nila, para na rin makatulong sa iba at kumita pa sila ng pera, pinaupahan nila ang kanilang tinitirhan sa iba. Ginawa nilang munting bedroom ang kanilang living room. Nagpatira sila ng tatlong bisita. May kasama pang libreng almusal para sa mga bisita.
Para rin magkaroon ng sapat na pera para mai-launch ang Airbnb website, ang mga founders ay gumawa ng isang espesyal na breakfast cereals. Ang kanilang inspirasyon ay ang presidential candidates nang panahon na iyon, sina Barack Obama at John McCain. Pinangalanan nilang Obama O’s at Cap’n McCains ang kanilang cereals. Aba, sa loob ng dalawang buwan, nakabenta agad sila ng 800 boxes of cereal sa halagang $40 kada box. Simula nu’n, tuluy-tuloy na nga ang kasikatan ng Airbnb.
Mula noon, hanggang ngayon, ang Airbnb ay to the rescue pa rin!
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo