Aiza Seguerra at Jericho Rosales: Sa Eat… Bulaga! nagsimula

APAT NA TAONG gulang pa lang si Aiza Seguerra nang aliwin niya ang manonood ng Eat… Bulaga! sa ‘Little Miss Philippines’ portion ng programa. Hindi man siya ang nag-uwi ng grand prize, panalo naman siya hindi lang sa puso ng mga Pinoy kundi sa tatlong hosts ng Eat Bulaga na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon. Very charming si Aiza, kaya naman itinuring siyang child wonder ng kanyang henerasyon. Naging saksi ang sambayanan sa paglaki ng isang cute na bata dahil mula 1987 hanggang 1997 ay naging parte siya ng Eat Bulaga.

Grabe ang kasikatan noon ni Aiza bilang child star. At the age of 10, 16 movies na agad ang nagawa niya. Five years old pa lang siya, nakagawa na siya ng limang pelikula sa loob lamang ng isang taon. Iginawad kay Aiza ang Best Child Actress Award ng FAMAS para sa pelikulang Aso’t Pusa (1989), ito ang first acting award niya. Taong 1991, siya uli ang Best Child Actress ng parehong award-giving body para sa Okay Ka, Fairy Ko. Best Child Performer of the Year siya ng Star Awards for Movies noong 1992. That same year, muli siyang itinanghal na Best Child Performer ng FAMAS para sa Okay Ka Fairy Ko 2.

Dahil ‘gifted’ at may talent din sa pagkanta, ito naman ang larangang pinasok ni Aiza. Nagbago ang takbo ng kanyang career. Nawala ang child star image niya. Ngayon, Aiza is dubbed as ‘Asian Acoustic Sensation.’ Pero bago naging multi-platinum ang album niyang Pagdating ng Panahon (2001), may nagawa nang album si Aiza noong 1995, ang Little Star.

Mega-hit ang awitin niyang ‘Pagdating ng Panahon,’ kaya naman ginawa rin itong titulo ng pelikulang pinagsamahan nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.

Marami pa ring makakaalala sa nakakaaliw na ‘duck walk’ at ng pagsasabi ng ‘bow’ ni Aiza noong cute na bata pa lang siya. Pero patuloy naman siyang magiging bahagi ng industriya dahil sa kanyang magagandang awitin.

BOY-NEXT-DOOR ANG DATING na inayunan ng suwerte, ‘yan ang naging pasaporte ni Jericho Rosales nang tanghalin siyang ‘Mister Pogi’ sa contest ng Eat… Bulaga! noong 1996. Sino ba naman ang mag-aakalang ang morenong bagets na nagpakitang-gilas sa pagsasayaw nu’ng panahong ‘yon ay isa na ngayong premyadong aktor at mahusay na singer? Pero noon pa man ay kinakitaan na si ‘Echo’ nang potensiyal sa larangang kinabibilangan niya ngayon. Sa paglipas ng mga taon, nahasa nang husto ang ‘raw talent’ na ‘yon ng aktor. At ngayon nga, isang kinikilala at hinangaang aktor ng kanyang henerasyon.

Matapos manalo sa male beauty contest ng Eat… Bulaga!, napabilang si Echo sa Star Circle Batch 4 ng ABS-CBN. Sa episode na ‘Pampang’ ng drama anthology na Maalaala Mo Kaya, ginawaran siya ng Best Single Peformance by a Lead Actor ng Star Awards For TV noong 1998. Siya rin ang itinanghal na Best New Male Personality nang taon ding ‘yon.

Makalipas ang dalawang taon, year 2000, muli niya itong napanalunan sa parehong TV show sa episode na ‘Pasa.’ Nang sumunod na taon, 2001, itinanghal naman siyang Best Drama Actor para sa teleseryeng Pangako Sa ‘Yo. Sa programa ring ito mas lalong kuminang ang bituin ni Jericho at kinakiligan ang loveteam nila ni Kristine Hermosa.

Mahaba-haba na rin kung tutuusin ang listahan ng mga parangal na tinanggap ni Echo. Most recently, sa 25th Star Awards for Movies, nakopo niya ang Best Actor award para sa pelikulang Baler. Sa pelikulang Tanging Yaman noong 2000, na-nominate siya sa halos lahat ng award-giving bodies sa kategoryang Best Supporting Actor. Puro markadong roles ang ginampanan ni Echo sa iba’t ibang pelikula. Ilan sa mga ito ay ang Panaghoy Sa Suba, Nasaan Ka Man, at Pacquiao: The Movie.

Naging miyembro rin si Echo ng ‘The Hunks,’ isang all-male sing-and-dance group ng Star Circle na kinabibilangan nina Piolo Pascual, Carlos Agassi, Bernard Palanca, at Diether Ocampo.

ni Erik Borromeo

Previous articleSexBomb Dancers: Pambansang dance group sa katanghalian
Next articleHulicam: Iza Calzado’s New Boyfriend

No posts to display