Sa instagram account ni Liza Diño, ipinost niya kamakailan ang mensahe ng kanyang love na si Aiza Seguerra.
Kung maalala pa, naging focus ng limelight sina Liza at Aiza Seguerra dahil sa isyu ng Lumads sa Mindanao, na during the camp-out ng mga ito sa UP Diliman hanggang sa isyu ng Kidapawan massacre sa Cotabato, hindi bumitaw ang mag-asawa sa kanilang pinaniniwalaang adbokasiya.
Hanggang sa pangangalap ng tulong mula sa showbiz celebrities na mga kaibigan nila sa Manila, tumulong sina Aiza at Liza Diño sa paghahanap ng sponsors sa kaban-kabang bigas para ipinamigay naman sa mga magsasaka, na ang tanging hiling sa kanilang iniluklok na opisyales ng gobyerno sa kani-kanilang puwesto ay bigas dahil nagugutom sila na kapallit naman ng kahilingan na ‘yun ay bala.
Maging ang paghahanap ng pondo para sa pansamantalang kalayaan ng mga magsasaka na ikinulong at kinasuhan ay ginawan nila ng paraan.
Sa kabila ng kanilang pagpupunyagi na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin para sa mga Lumad at sa mga magsasaka sa Kidapawan, kung anu-anong intriga pa ang kinaharap nila.
May nagsasabi na nag-eepal lang sila para mapansin. Gumagawa lang sila ng eksena para mapansin, lalo pa nang mga panahon ‘yun, simula na ng kampanya para sa presidential election.
Marami ang nagduda sa dahilan ng patulong nina Aiza at Liza sa Lumads at sa mga biktima ng Kidapawan Massacre. Campaign strategy lang daw para pampa-good image sa noo’y presidentiable na si Digong Duterte ang ginagawa ng mag-asawa to gain media mileage, lalo pa’t promiment at kilalang Duterte supporters sila.
Sa kanyang Instagram account, may posting si Liza ng mensahe ng kanyang asawa ukol sa isyu, kung bakit all out ang suporta nila kay President-elect Duterte.
Panimula ni Liza, “From my love CY Diño Seguerra: “Maraming nagtatanong sa’min kung bakit namin masugid na kinakampanya noon si Mayor. When we found out na tatakbo siya, my wife and I volunteered our services. Maraming mga trabaho rin kaming na miss dahil mas inuna namin ang pagtulong sa kampanya niya.
“May kanya-kanyang personal na rason siguro ang bawat tao kung bakit siya tinulungan sa kampanya.
“Ito and rason namin; we want to bring the Lumads home. For good. We want to make sure na pag uwi nila, hindi na sila matatakot na baka patayin sila o paalisin ulit. Makakapag aral na ulit sila sa kanilang mga eskwelahan. Mabubuhay ng tahimik at simple, kagaya ng nakagisnan nila.
“Umaasa kami na sa pag-upo ng bagong presidente, magsisimula na rin ang pagbalik ng mga mahal kong mga kapatid na Lumad pauwi sa kanilang lupang ninuno. At hanggat hindi pa nangyayari iyon, hindi kami titigil sa pagkatok sa kanyang puso at sa puso ng mga tao. Hindi kami titigil sa pakikipaglaban sa mga nang-aapi at patuloy na nanakit sa mga Lumad.”
Diyan naman kami bilid kina Aiza at Liza, hindi sila bumibitaw sa pinaniniwalaan nila.
“Please bring them home and protect their right to live, Mr. President-elect. We are counting on you,” sabi pa ng singer.
Sa ngayon, hinihintay na lang ang official na pag-upo ni President-elect Duterte na magsisimula pagkatapos ng June 30.
Sana, hindi nga mawalan ng lakas ng loob ang mag-asawa sa nasimulan nila. Tulad nila, naniniwala kami sa karapatan ng mga Lumad; at sa isyu ng Kidapawan Massare, sana maging matiwasay na ang mga buhay nila sa panimula ng Duterte regime.
Reyted K
By RK VillaCorta