APAT NA TAONG gulang pa lang si Aiza Seguerra nang aliwin niya ang manonood ng noontime show na Eat… Bulaga! sa Little Miss Philippines portion ng programa. Hindi man siya ang nag-uwi ng grand prize, panalo naman siya hindi lang sa puso ng mga Pinoy kundi sa tatlong hosts ng Eat… Bulaga! na sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon. Very charming si Aiza, kaya naman itinuring siyang child wonder ng kanyang henerasyon. Naging saksi ang sambayanan sa paglaki ng isang cute na bata dahil mula 1987 hanggang 1997 ay naging parte siya ng Eat… Bulaga!.
To date, mahaba na ang listahan ng mga nagawa ni Aiza sa pelikula at telebisyon. Sino ba naman ang makalilimot sa anak ni Enteng Kabisote na si Aiza Kabisote sa TV series na Okay Ka Fairy Ko, na mula 1987 hanggang 1997 ay ginampanan ni Aiza? Hanggang sa pelikula, ginampanan niya ang karakter sa apat pang sequels nito na naging entries sa taunang Metro Manila Film Festival.
Grabe ang kasikatan noon ni Aiza bilang child star. At the age of 10, 16 movies na agad ang nagawa niya. Five years old pa lang siya, nakagawa na siya ng limang pelikula sa loob lamang ng isang taon. Iginawad kay Aiza ang Best Child Actress Award ng FAMAS para sa pelikulang Aso’t Pusa (1989), ito ang first acting award niya. Taong 1991, siya uli ang Best Child Actress ng parehong award-giving body para sa Okay Ka, Fairy Ko. Best Child Performer of the Year siya ng Star Awards for Movies noong 1992. That same year, muli siyang itinanghal na Best Child Performer ng FAMAS para sa Okay Ka Fairy Ko 2.
Hindi naman habang panahon ay bata si Aiza. Nang maging teenager na siya, anim na pelikula lang ang nagawa niya sa Regal Films. Nabigyan din siya ng supporting role sa TV series na Hanggang Kailan (2004) sa GMA TV network.
Dahil ‘gifted’ at may talent din sa pagkanta, ito naman ang larangang pinasok ni Aiza. Nagbago ang takbo ng kanyang career. Nawala ang child star image niya. Ngayon, Aiza is dubbed as ‘Asian Acoustic Sensation.’ Pero bago naging multi-platinum ang album niyang Pagdating ng Panahon (2001), may nagawa nang album si Aiza noong 1995, ang Little Star.
Mega-hit ang awitin niyang ‘Pagdating ng Panahon,’ kaya naman ginawa rin itong titulo ng pelikulang pinagsamahan nina Sharon Cuneta at Robin Padilla.
Marami pa ring makaaalala sa nakaaaliw na ‘duck walk’ at ng pagsasabi ng ‘bow’ ni Aiza noong cute na bata pa lang siya. Pero patuloy naman siyang magiging bahagi ng industriya dahil sa kanyang magagandang awitin.