SINAMPAHAN PO AKO ng kaso ng illegal recruitment ng kapitbahay namin. Tama po bang masabit ako sa kaso gayong nilapitan ko lang siya para tulungang makakuha ng visa. Bilang dating nag-abroad, binigyan ko siya ng mga tip kung paano mag-apply ng visa. Dahil dito, kahit papaano ay siningil ko siya ng service fee dahil sa pagpapagod ko rin. Ni minsan ay hindi ko sinabi sa kanya na ako ay recruiter. Bagama’t nabanggit ko sa kanya na marami akong kamag-anak at kakilala sa bansang pupuntahan niya at siya ay matutulungang humanap ng employer. Nang magharap-harap kami, sabi nya’y inakala n’yang recruiter ako. Uulitin ko, ni minsan ay hindi ako nagsabing recruiter ako. Sino po ang nasa katuwiran? – Ellna ng Malabon City
MAAARING TOTOO ANG mga sinabi mo na gusto mo lang makatulong sa kanya na makapag-apply ng visa. Okey rin na ikaw ay maningil ng konting halaga dahil sa pagod at oras mo. Ganu’n pa man, kung ang kapitbahay mo ay nag-akala na ikaw ay isang recruiter, maaaring ituring ka na isang recruiter. Lalo na kung base sa mga ikinikilos at sinasabi mo ay nagbibigay ka ng ganoong impresyon sa kanya. Samakatwid, ang tinitingnan ng batas ay ang dating o impresyong ibinigay mo sa kanya para mag-akalang ikaw nga ay isang recruiter. Naging maselan ang usapin dahil, ‘ika nga, mayroong “money involved” sa inyong transaksyon.
Ang tinitingnan ng batas ay ang perhuwisyong naidudulot sa tao ng mga sinasabi o ikinikilos ng isang tao. Ang mga sindikato o mga nagsasagawa ng mga bagay na illegal kasi ay mahusay mambola o gumimik para makaloko ng ibang tao.
Ngunit maaabsuwelto ka kung tunay ngang ikaw ay tumulong lang o umaktong parang travel agent na nag-aasiste sa aplikante.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo