Dear Atty. Acosta,
NAIS KO po sanang maliwanagan. Matagal po akong nanirahan sa Amerika at pagkalipas ng sampung taon ay napagkalooban ako ng US citizenship. Ang buong pagkakaalam ko ay dual citizen na ako sapagkat ako naman ay ipina-nganak sa Pilipinas at hi-ndi ko ninais na talikuran ang pagiging Pilipino ko. Dumating ako noong isang buwan at sa aking pasaporte ay tinatakan ako ng visa. Hindi po ba dapat ay wala akong visa sapagkat ako ay Pilipino pa rin naman?
Vicky
Dear Vicky,
BATID NAMIN na bagaman ikaw ay isa nang banyaga, nananaig pa rin sa iyo ang pagiging isang Pilipino. Ngunit kailangan nating kilalanin ang mga epekto na dala ng iyong pagiging banyaga. Marahil ay hindi mo intensyon na talikuran ang bansang iyong sinilangan subalit ang epekto ng iyong pagtanggap ng American citizenship ay ang pagbibigay ng iyong buong katapatan sa bansang Amerika at ang pagtalikod sa iyong pagiging Pilipino.
Sa madaling salita, sa oras na ikaw ay naging banyaga, nawawala na ang iyong pagiging Pilipino sa mata ng batas. Kung kaya’t hindi mo na maaaring igiit na kilalalin ka at ibigay sa iyo ang mga karapatan na matatamasa lamang ng isang Pilipino sapagakat ito ay ipinaraya mo na nang tanggapin mo ang pagiging isang banyaga. Ang ipagkakaloob lamang sa iyo ng pamahalaan ng Pilipinas at ng mga ahensya nito ay ang mga karampatang karapatan ng bawat banyagang pumupunta sa Pilipinas, at isa na rito ang pagbibigay ng visa alinsunod sa mga pertinenteng batas at regulasyon katulad ng Commonwealth Act No. 613, o ang Philippine Immigration Act of 1940. Ayon sa Section 9 ng nasabing batas, ang lahat ng banyaga na nais at kuwalipikadong pumasok sa Pilipinas ay maaaring payagang makapasok ng bansa bilang “non-immigrant”. At habang ikaw ay nananatili sa Pilipinas ay kailangan na ang iyong visa ay balido at hindi paso upang legal ang iyong pananatili sa bansa at walang maging dahilan upang ikaw ay paalisin. (Section 37 (a) (7), id)
Subalit kung nais mong maging Pilipino muli, matamasa ang mga karapatan at magawa ang lahat ng mga bagay na magagawa ng isang Pilipino, maaari kang magpetisyon alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 9225 o ang Citizenship Retention and Re-acquisition Act of 2003. Maaari kang magtungo sa tanggapan ng Bureau of Immigration, Manila upang ihain ang iyong petisyon, kalakip ang mga dokumentong kinakailangan kaugnay ng iyong petisyon. Tandaan na kailangang ikaw ay naturalized foreigner upang maging kuwalipikado sa nasabing petisyon. Ang ibig sabihin nito ay ipinanganak kang Pilipino at mula sa mga Pilipinong magulang, at naging banyaga ka lamang alinsunod sa naturalization laws ng bansang Amerika. Kung ikaw naman ay aalis ng Pilipinas ngunit nais mo pa ring mag-apply ng dual citizenship, maaari kang makipag-ugnayan sa ating embahada o tanggapan ng konsul ng bansang iyong pupuntahan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta