BLIND ITEM: Naaaliw kami sa isa naming friend, dahil iritang-irita siya sa isang aktor na dumaan sa harap nila, sinamantala na nilang magpa-picture, at nagpaunlak naman daw ang aktor.
“Kaso, Papa O, kaa-approach pa lang namin sa kanyang magpapa-picture kami sa kanya, nagdayalog ba naman na bilisan na namin at nagmamadali raw siya’t late na siya sa appointment niya?”
Hahahaha! Gano’n talaga ang ibang artista. Hindi natin alam, baka totoong nagmamadali na sila, pero dahil ayaw nilang maparatangang snob ng mga fans, eh naggi-give in sa request na picture-taking. Para rin mabilis na kumilos ang mga nagpapa-picture.
Dahil aminin naman natin, meron talagang mga fans na magpapaalam magpa-picture, tapos, ‘pag okay sa artista, saka pa lang kukunin ang kamera, pipindutin muna ang number code ng celfone, tapos, hahanapin ang icon ng camera at ise-set pa. Kaya rin tumatagal, lalo na’t ang tagal na nakangiti ang artista, tapos paghihintayin lang ng mga fans.
“Okay na kami doon, eh. Pero ‘yung mga alalay niya, juice ko po, akala mo kung sino’ng napakasikat na aktor ang inaalalayan nila. Aba’y nagpapa-picture kami nang nakangiti habang sila naman, nakasimangot na parang hindi nila gustong inabala ang amo nila ng mga fans na nagpapa-picture.
“Hello naman, Papa O! Pakisabi naman sa mga alalay na ‘yan na kung hindi rin naman sa aming mga fans eh, walang tumatangkilik sa mga shows ng alaga nila, ‘no! Ano ba naman ‘yung wala pang isang minuto, sisimangot na agad sila.
“At ang nakakalokah pa. Kailangan ba talaga, pagbaba ng sasakyan, eh papayungan nila ang artista para hindi maarawan? Eh, saglit lang naman ‘yung lalakarin, wala pang limang metro papunta du’n sa meeting place nila, papayungan talaga?
“Tapos na ‘yung teleserye ng kabaklaan kamo, ‘wag nang umastang sikat, dahil hindi natin alam, palpak pala siya sa ibang role at gay character lang pala siya bagay!”
Hahahaha! Naaaliw na lamang kami sa kuwento. Sa amin kasi, mabait ang aktor na ito, eh.
“Sa iyo, dapat lang, dahil reporter ka rin. Eh, sa aming ordinaryong tao lang?”
‘Yun na.
By Ogie Diaz