TAWA KAMI NANG tawa sa kuwentuhan ng mga kasama namin sa hanapbuhay na namumuti na ang mga mata sa kahihintay sa bida ng isang pelikula, pero kahit anino ay wala pa rin, kaya nag-alisan na sila sa presscon.
“Ang sabi sa amin, nasiraan daw siya ng sasakyan, kaya ang sagot naman naming mga nandu’n, bakit, hindi ba siya puwedeng mag-taxi na lang muna para lang makahabol siya?” komento ng isang kapwa manunulat.
Alas kuwatro nang hapon daw ang simula ng presscon, pero alas otso na ay wala pa rin ang star ng palabas, kahit naman siguro ipinanganak na kakambal ng inunan ang pagiging matiyaga at matiisin ay talagang susuko na sa kahihintay sa kanya.
Nakauwi na sila nang dumating ang aktres, pinanindigan niya ang kuwentong nasiraan siya ng sasakyan papunta sa presscon, pero may isang malabiga du’n na nagkuwentong pasado alas siyete na nang umalis sa kanyang bahay ang aktres.
‘Yun daw ang totoong bersiyon at hindi ang dramang nasiraan siya ng sasakyan, gabi na raw nu’ng umalis sa kanyang bahay ang aktres, kaya talagang mamumuti ang mga mata ng mga naghihintay sa kanya nu’ng hapon pa lang.
Totoo nga kayang balik na naman sa dati ang aktres na ito sa paglaklak ng sleeping pills? Kung paisa-isa lang ang inom ng tableta ay simple lang ‘yun, laklak ang terminong ginagamit kapag banig-banig o dakot-dakot na ang paggamit ng pildoras na pampatulog, tulad ng nakagawian nang gawin ng aktres na ito.
Akala ng marami’y bumaklas na sa kanyang dating bisyo ang aktres, pero mukhang nahila na naman siya pabalik, sayang ang mga oportunidad na ipinagkakatiwala pa rin sa kanya sa kabila ng pagkulimlim ng kinang ng kanyang bituin.
by Cristy Fermin