Aktres, nagrebelde sa pakilamerang ina – Cristy Fermin

ISANG COMMON FRIEND namin ng ina ng isang young actress ang tumawag sa amin kamakailan. Matagal ang aming pag-uusap, nu’ng una’y mababaw lang ang paksang tinutukan namin, pero naging kumplikado na ‘yun nu’ng bandang huli, hanggang sa lumalim na nang lumalim.

Maraming kuwentong lumalabas tungkol sa biglaang pagkawala ng batang aktres, pati ang kanyang pinagbibidahang serye ay kailangang gamutin nang husto dahil ayaw na niyang magtrabaho. Depresyon ang itinuturong dahilan kung bakit biglang nagbago na naman ang timpla ng kanyang buhay.

[ad#post-ad-box]

Madali raw masaktan ang batang aktres, at kapag nagkakaroon sila ng problema ng kanyang karelasyon, siguradong apektado ang kanyang trabaho dahil isa lang ang direksiyon ng kanyang utak.

Pero may nilinaw sa amin ang isang kaibigang tumawag. Sinabi nito sa amin ang sobrang pagkasakal na ng dalaga sa kanyang ina, ‘yun daw ang palaging inirereklamo ng batang aktres sa kanyang mga kaibigan.

Sabi ng aming source, “Nagrerebelde ‘yung bata! Saan ka naman nakakita ng tulad niya na nasa wastong edad na, pero gusto pa ring samahan ng mommy niya sa mga personal nilang lakad ng mga friends niya?

“Palagi silang nagtatalo, palaging nag-aaway ‘yung mag-ina, dahil ang gusto niya, habang nakikipag-party ang anak niya, nandu’n din siya! Natural, ayaw ng mga kabataan ng ganu’n, kalayaan ang matagal nang sigaw ng batang ‘yun,” simulang kuwento ng aming kaibigan.

Reklamo ng young actress, mula pagkabata ay para na siyang robot, kung ano ang sabihin ng kanyang ina ay kailangan niyang gawin at sundin. Pati sa mga isinusuot niyang damit, ang mommy niya ang nagdidikta kung ano, kinalakihan na diumano niya ang ganu’ng kalakaran.

“Para talaga siyang robot na walang sariling disposisyon, meron siyang gusto, pero palaging kinokontra naman ng mommy niya. Sawang-sawa na siya, kaya ngayong may pakpak na ‘yung bata, gusto na niyang lumipad palayo sa pakikialam ng mommy niya sa buong buhay niya,” kuwento pa rin ng aming impormante.

Bukas na libro naman ang buhay ng batang aktres, kaya madaling unawain kung bakit nagkakaganu’n ang kanyang ina, ito ang palaging natatakot sa pagdating ng isang umagang wala na pala sa kanyang poder ang batang aktres.

“Pero sa halip na mag-stay sa kanya ‘yung bata, siya pa mismo ang nagbibigay ng reason para siya iwan. Hindi puwede ang gusto niyang mangyari na habampanahon na lang na robot ang anak niya!

“Kailangang siyang makipag-compromise, meron lang dapat hangganan ang panghihimasok niya sa buhay ng anak niya. Ngayon, kung ayaw niyang mag-adjust, mawawalan talaga siya ng anak,” madiing pahayag ng aming kausap.

BUKAS NANG HAPON ay mapapanood na ang bagong programa ni Ted Failon sa ABS-CBN, ang Failon Ngayon!, na papalit sa nakasanayan na nating oras ng Magandang Gabi, Bayan noon ni Vice-President Noli de Castro.

Nasa ilalim ng pamamahala ng departamento ng News And Current Affairs ng Dos ang Failon Ngayon! na tatalakay sa lahat ng uri ng usaping may kuneksiyon sa ating lipunan.

Naging ritwal na namin tuwing umaga ang panonood sa Tele-Radyo kay Ted sa DZMM, hindi kumpleto ang aming umaga kapag hindi namin natututukan ang Tambalang Failon at Sanchez, punumpuno kasi ang programa at saludo kami sa kadiretsuhan ni Ted sa pag-oopinyon.

Si Ted Failon ang naging utak ng pagdadala ng portalet at paliguan sa mga evacuation centers. Anong utak nga ba naman ang gagana nang maayos mula sa isang katawang ni hindi nasasayaran ng tubig? Kinausap niya ang mga arkitekto para makabuo ng disenyong aangkop para gawing paliguan ng mga nasalanta sa kalamidad.

Ang Failon Ngayon! ay mapapanood na mula bukas tuwing Sabado, alas singko y medya nang hapon, hindi namin palalampasin ang programang ito.

Cristy Per Minute
by Cristy Fermin

Previous articleClickadora: Thank God It’s Sayawan!
Next articleGuesswhodoes: : JayR does the ‘Fruit Basket Delivery’

No posts to display