PILIPINAS NA nga ang binansagang Selfie Capital sa buong mundo. Wala namang kaduda-duda roon. Lalo na sa mga bagets panigurado. Kakabit na rin ng bawat click ng camera button ang agarang pag-filter ng nakunan na larawan.
Nakatutuwang isipin na ang dating filter na ang ibig sabihin ay isang proseso ng pagtatanggal ng dumi sa mga bagay-bagay, ngayon, naging isang proseso na rin ito ng pagpapaganda ng larawan. Mabenta sa mga kabataan ang Gandang Camera 360, Gandang Retrica at Gandang VSCO cam.
Sa tatlong apps na nabanggit, pinakamabenta sa mga kabataan ang Camera 360. Matatawag na ngang photographic package ang Camera 360. Paano ba naman sa isang click ng iyong selfie, puwede mo na itong ma-edit sa maraming paraan gaya ng paggawa ng collage, mga basic edit gaya ng crop, enhance, resize, brightness, contrast. Kaya rin nitong papayatin ang parte ng iyong mukha. At higit sa lahat, maraming baon na filters ang Camera 360 tulad ng Magic Skin, Light Skin, Lomo, Sketch, Enhance at Retro. Sa sobrang dami ng filters na alok ng Camera 360, puwede mo na itong maituring na extension ng Instagram post filters. Puwede mo na rin itong idiretso i-upload sa iyong social networking site gaya ng Facebook.
Trademark naman ng Retrica ang mga collage selfie photos na may filters. Malalaman mo rin agad kung ito nga ang app na ginamit ng taong nag-selfie dahil hindi puwedeng mawala sa larawan ang tatak ng Retrica. Retro feels ang dala ng Retrica sa mga selfies ng kabataan. May libreng version at pro version sa halagang $1.99 ang app na ito. Tatak din ng Retrica ang pagkakaroon nito ng Timer at borders.
Para naman sa mga hipster nating bagets, VSCO cam naman ang in na in sa kanila. Kung ang Camera 360 ay may Instagram extension feels at Retro-filter feels naman sa Retrica, ang VSCO cam naman ay may cinematic feels. Composition, Lighting at Exposure ang lamang ng VSCO cam sa ibang apps kaya naman ang lakas maka-sosyal kapag ito ang gamit mong app sa iyong selfie.
Maganda at nakagaganda nga ng panlabas na anyo ang mga nasabing apps. Wala namang masama sa paggamit ng filter, pero para makasanayan ito ay walang magandang maidudulot lalo na’t kung sobra-sobra na. Bakit? Dahil may kasabihan nga tayo, ang pagmamalabis ay nakasasama.
Laging isipin na kung ano ang natural at simple, iyon ang mas maganda. Kung minsan kasi, kung halos retokehin mo na buong mukha mo gamit ang mga nasabing apps, dalawa lang magiging epekto nito. Una, niloloko mo ang mga tao at niloloko mo lang din ang sarili mo. Kung dami ng likes ang habol mo, mas dapat na nga na huwag mo nang lagyan ng filter ang iyong selfie photos dahil iyon naman ang tunay na maganda at iyon din naman talaga ang tunay na ikaw. Walang filter o kahit ano pang app na higit na makagaganda sa natural mong itsura.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo