Alamat ng “V” sa Vhong

MAINGAY NGAYON ang isyu ng pambubugbog sa komedyanteng si Vhong Navarro. Ayon sa kampo ni Vhong, ang insidente ay isang tangkang pangingikil sa kanya ng grupo ng negosyanteng si Cedric Lee. Ayon naman kay Lee, nasaktan lamang umano nila si Vhong matapos tangkain nito na halayin ang kaibigan nila na si Deniece Cornejo. Sa dami ng mga magkakasalungat na salaysay, hindi pa rin masiguro ng publiko kung ano ang tunay na nangyari.

AYON SA isang mapagkakatiwalaan na source, parehong may butas sa mga pahayag ng magkabilang panig dahil parehas na kalahating katotohanan lamang ang kanilang handang ilantad. Totoo umano na pinagplanuhan talaga ng grupo ni Lee na bugbugin si Vhong. Ngunit, totoo din daw na nabastos ni Vhong si Cornejo nu’ng una silang magkita sa condominium ng dalaga. Ang pananakit kay Vhong ay paghihiganti umano sa nagawa nitong pambabastos kay Cornejo at sa iba pa nilang mga kaibigan na babae.

SA NGAYON, marami pa ring mga tanong sa insidenteng ito. Ngunit ang pinakamahalagang isyu na gustong malaman ng taong-bayan ay, bakit nga ba sa letrang “V” nagsisimula ang pangalan ni Vhong at hindi niya ginamit ang tradisyunal na letrang “B” na madalas na ginagamit sa palayaw na “Bong”?

AYON NA naman sa isang mapagkakatiwalaan na source, nagsimula umano ang paggamit ng letrang “V” bilang kapalit ng letrang “B” noong 1994 Miss Universe Pageant na ginanap dito sa Pilipinas. Ang isa sa mga pinakapaborito na kalahok nu’ng panahon na iyon ay si Minorka Mercado ng bansang Venezuela. Sa katunayan, siya ang nagwagi ng Miss Photogenic at Best in Swimsuit sa nasabing patimpalak. Dahil dito, marami ang umaasa na siya ang mananalo na Miss Universe, kasama na ang sikat na manghuhula na si Madam Auring.

BILANG PAGPAPAKITA ng kanyang galing sa panghuhula, at dahil sa malakas talaga ang ugong na ang Miss Venezuela ang mananalong Miss Universe, nagbigay ng prediksyon si Madam Auring na ang mananalong Miss Universe ay manggagaling sa bansang ang pangalan ay nagsisimula sa letrang “V”.  Sa kabiglaan ng lahat, si Miss Venezuela ay nagtapos lamang na 2nd Runner-Up at ang nag-uwi ng korona ng Miss Universe ay si Sushmita Sen mula sa bansang India.

DAHIL DITO, marami ang kumondena kay Madam Auring dahil umano mali ang kanyang prediksyon na nagsisimula sa letrang “V” ang bansa ng mananalong Miss Universe. Ganunpaman, nakahanap pa rin ng lusot si Madam Auring. Sa isang panayam sa telebisyon, idinepensa ni Madam Auring na tama pa rin umano ang kanyang prediksyon dahil ang nanalong Miss Universe na si Sushmita Sen, mula sa bansang India, ay isa umanong “Vumbay”.

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous article‘Lambing’ ni Alden
Next articleBukambibig 01/29/14

No posts to display