ANG ISANG patunay na ang inyong PhilHealth ay tapat sa kanyang layunin na magbigay proteksyon sa gastusing medikal ng mga miyembro sa panahon ng kanilang pagkakasakit ay ang pagpapatupad ng “No Balance Billing” (NBB) o ang tinatawag naming “Walang Dagdag Bayad”. Layunin ng NBB na mabawasan ang galing sa bulsang gastusin ng kababayan nating mga mahihirap at mas nangangailangan nating mga kababayan upang maiwasan nila ang pangungutang lalong-lalo na sa panahon ng pagkakasakit.
Ang NBB ay karapatan ng mga kwalipikadong miyembro ng PhilHeatlh na wala silang dapat bayaran pa sa pagpapagamot sa lahat ng pampubliko at piling pribadong pagamutan sa bansa. Hindi maaaring ang mga accredited na ospital at doktor ay kumubra ng mahigit pa sa pinagkasunduang halaga ng case rates.
Sa kasalukuyan, ang saklaw ng NBB ay mga miyembro mula sa sumusunod na sektor at kanilang kwalipikadong dependent:
- Indigent
- Sponsored
- Kasambahay
Sakop ng NBB ang mga sumusunod na benepisyo:
- Lahat ng Case Rates
- Mga benepisyong Case Type Z
- Leptospirosis Package
- TB-DOTS package
- Outpatient Malaria Package
- Animal Bite Treatment Package
- Voluntary Surgical Contraception Package
- Outpatient HIV/AIDS Treatment Package
- Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) package
- Avian Flu Influenza Package
- Intrauterine Device (IUD) Insertion
Sa kasalukuyan, ang NBB ay ipinatutupad sa mga sumusunod na pasilidad:
- Lahat ng pampublikong pasilidad pangkalusugan kabilang ang lahat ng antas ng ospital at iba pang pasilidad gaya ng ambulatory surgical clinics; freestanding dialysis clinics; infirmaries; dispensaries; Birthing Homes; DOTS Centers.
- Mga accredited na private health care institutions gaya ng mga pasilidad na nakakontrata para sa Z Benefit Packages; ambulatory surgical clinics; freestanding dialysis centers; TB DOTS Centers; birthing homes; infirmaries and dispensaries.
*Para sa mga pribadong infirmary at dispensary, ang NBB ay maaari lamang makamit para sa Maternity Care at Newborn Care packages.
Ilang bagay na dapat tandaan ng mga kwalipikadong miyembro na mag-a-avail ng NBB:
- Ang NBB ay para lamang sa mga itinalagang service bed o PhilHealth beds. Kung walang available na service beds, makakamtan pa rin ito gamit ang hospital beds na ipagagamit ng pasilidad
- Hindi dapat maningil ang mga doktor sa mga miyembrong saklaw ng NBB, maliban na lamang kung sila ay na-admit sa pribadong kuwarto at mga pribadong doktor
- Katungkulan ng mga pasilidad na tiyaking may sapat silang gamot para sa mga pasyente, lalo-lalong na sa NBB patients
- Kung sakaling wala sa pasilidad ang kinakailangang laboratory / diagnostic tests, dapat nilang isagawa ang mga ito nang wala ring babayaran.
Para sa karagdagang kaalaman tungkol sa mga programa ng PhilHealth, maaaring magsadya sa alinmang tanggapan ng PhilHealth na malapit sa inyo o tumawag sa aming Action Center sa (02) 441-7442 o sumulat sa amin sa [email protected]. Maaari rin kayong mag-log on sa www.philhealth.gov.ph para sa iba pang impormasyon.
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas