AYON SA premyadong aktor na si Albert Martinez, naisip na niyang magretiro sa showbiz at iwanan ang pag-arte dahil sa nararanasang pandemic sa bansa na dala ng covid-19 health crisis. Ito ang kanyang inamin sa storycon ng pelikulang The Housemaid, isang South Korean icon film, na gagawan ng Pinoy adaptation ng Viva Films.
Pagtatapat ng aktor, “Actually, nung nag-start itong lockdown at nagkaroon tayo ng pandemic ang iniisip ko muna is papaano kaya tayo makaka-recover? Kasi nga yung theaters wala nang pupunta, kasi nga takot ang mga taong manood ng sine. Tapos papaano yung mga eksena ninyo na medyo intimate, so hindi ko talaga ma-comprehend papaano tayo makakabalik sa ganitong situation.
“It took me to a point wherein I was telling my manager (Shirley Kuan) na baka it’s time for me to retire, kasi parang iba na yung timpla nung industry and hindi ko makita yung how it will recover.”
Mabuti na lang daw ang dumating sa kanya ang offer ng Viva na gawin itong The Housemaid.
“And then, here it comes, in-offer sa akin itong project na ito and siyempre na-shock ako, sabi ko paano gagawin yan? And then in-explain naman sa akin yung bagong protocol ngayon on how to do it with very strict guidance ng DOH and in the midst of kahirapang kumuha ng trabaho, yung halos wala namang offer na kasing laki nitong project na ‘to, so I’m very excited,” masaya niyang pahayag.
Patuloy ni Albert, “Matagal na akong hindi gumagawa ng pelikula, eh. The last time na major film na ginawa ko was siguro early 2000. More on soap opera ako for the last 15 years and I’m very glad na kahit pandemic at kahit meron tayong situation na ganito ay nakabalik ako sa original love ko which is film.”
Sa halos 15 years na ginugulo ni Albert sa paggawa ng teleseye ay karamihan daw dito ay sa ABS-CBN.
Meron ba siyang apprehension or takot bago niya tinanggap ang sexy thriller movie na pagbibidahan ni Kylie Verzosa?
“Ako, personally ang apprehension ko talaga is itong film kasi it’s borderline erotic, and hindi ko ma-imagine at first how are we going to do it,” sagot niya. “But then again, with the magic of film, with the magic of the attack and approach of the director we can get the similar result without compromising everyone’s health.
“I believe it will work. I’m very confident na we have a very good lead actress, si Kylie and I’m sure we can come up with something powerful, we can come up with something na believable and yet we can get away with it,” pahayag pa niya.
Ibinahagi rin ng aktor kung ano ang ginagawa niyang paghahanda para sa karakter niya sa The Housemaid.
Aniya, “Importante na matindihan yung relationship naming lahat within the house kasi yung buong istoryang ito nangyari sa loob and kailangan maklaro yung possession ng bawat karakter at yung relationship nung bawat character para maging effective yung film at yung narrative.
“So ang preparasyon ko dito is how to react and unite with existing character within the house.
“And yung character kasi ni William, millionaire, lahat ng gusto niya nagagawa niya. May mga tao siyang gumagawa para sa kanya and he gets away with crime, so yung build up ng character is very important. Pero sa film hindi mo siya mababasa because he’s so quiet.
“Hindi mo malalaman kung anong iniisip niya. Ang makikita mo lang sa kanya yung mga nuances niya, the way he looks at people, the way he glance at Kylie. Pero minimalist actor, minimalist character, so yon ang pinaghahandaan kong mabuti – how to portray yung ganung klaseng karakter without going over the top.”
Ang The Housemaid ay sa direksyon ni Roman Perez Jr.