ISA RIN ako sa nalungkot sa pumutok na balita nu’ng kamakalawa ng umaga na sumakabilang buhay na nga raw si Liezl Martinez.
Tinawagan ako ni Ricky Lo dahil kinumpirma raw ito sa kanya ni Cheng Muhlach.
Kuwento ni Cheng, magmula nu’ng na-confine si Liezl sa hospital nu’ng nakaraang March 9, hirap na raw ito at mukhang bibigay na. Kaya patuloy silang humihingi ng dasal na malagpasan ito ni Liezl. Pero hindi na nga niya kinaya, kaya marami ang nagulat at nalungkot sa pagpanaw ni Liezl sa edad na 47.
Ang nakakalungkot pa, magbi-birthday pa sana ang aktres at Board Member ng MTRCB sa March 27, hindi na siya umabot.
Balak pa pala nila ni Albert na magbakasyon sila ni Liezl sa Hawaii sa birthday nito. Kasi bakasyon na lang sila nang bakasyon at siguro ini-enjoy na lang ito ni Liezl at baka nararamdaman na rin niyang hindi na siya magtatagal.
Nu’ng nasa Startalk kami, napag-uusapan doon sa nangyari nang nalaman daw ni Amalia Fuentes na sumakabilang buhay ang nag-iisa niyang anak, hindi na raw ito makausap nang maayos.
Pagdating daw ng hospital, nagwala raw ito at si Albert na naman daw ang sinisi niya.
Ang dinig ko pa nga, nagalit pa raw ang apo niyang si Alfonso dahil sinisisi si Albert sa nangyari.
Naintindihan naman natin na masakit ito sa isang ina lalo na’t nag-iisang anak ang pumanaw, kaya hindi napigilan ni Amalia na magwala.
Sana maayos na lang at alang-alang kay Liezl, magkasundo na sila at wala nang sisihan, ‘di ba?
Ang latest na ibinalita sa amin, sa Heritage Memorial Park ang burol ni Liezl. Pero sa unang gabi nito ay ibinigay raw muna sa pamilya.
As of presstime, wala pang balita kung kelan ang libing ni Liezl o i-cremate ba siya.
Ang isa pala sa unang nagbigay ng pahayag sa pagpanaw ni Liezl ay ang mga kasamahan nito sa MTRCB.
Nagpadala ang MTRCB Chair na si Atty. Toto Villareal ng statement kaugnay rito.
Sabi niya: “The MTRCB deeply mourns the passing away of its beloved Board Member Liezl S. Martinez. In her few years with the Board, Liezl co-chaired the committee responsible for the nationwide Matalinong Panonood campaing. She also engineered the modernization and upgrade of the MTRCB’s review facilities.
“Liezl shall be greatly missed. We nonetheless join the Philippine entertainment industry and the Filipino audience in celebrating her life. We extend our condolences and prayers to her family and loved ones.”
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis