Alden Richards, gustong makatrabaho ang crush na si Anne Curtis

SHOWBIZ CRUSH at isa sa dream na makatrabaho ng isa sa hottest actor ng GMA Artist Center na si Alden Richards si Anne Curtis. Tsika nga ni Alden, hindi pa siya nag-aartista ay malaki na ang paghanga niya kay Anne.

Gandang-ganda raw siya sa Viva Artist, bukod pa sa magaling itong umarte. Kaya naman daw if may artista siyang gustong makilala at makatrabaho ay isa rito si Anne. Pero alam naman daw nitong medyo mahirap silang magkasama sa isang proyekto lalo na’t magkaiba sila ng kinabibilangang istasyon, kung saan nasa ABS-CBN si Anne.

Pero umaasa pa rin daw siyang makakasama niya ito at makakatrabaho. Bukod kay Anne, gusto rin daw nitong makatrabaho ang Trending Sensation na si Julie Anne San Jose na hindi naman malabong mangyari dahil pareho silang alaga ng GMAAC at parehong Kapuso star.

Katulad ni Anne, magaling din daw umarte si Julie Anne, mabait at magaling kumanta. Sana nga raw ay makatrabaho rin niya si Julie Anne sa mga susunod na proyektong ibibigay sa kanya ng GMA 7.

Speaking of projects, happy si Alden dahil sa dami ng proyektong ginawa niya ngayong taon, from One True Love na maganda ang ipinakitang lakas sa primetime at dalawang pelikula, ang Sossy Problem at Si Enteng, Si Agimat at Si Ako. Sana nga raw ay maging maganda rin at maging kasing busy ang kanyang darating na 2013, kung saan sa pagbubukas ng bagong taon ay mapapanood siya sa malaking epicserye ng GMA 7, ang  Indio, kung saan gagampanan niya ang batang Bong Revilla.

KASABAY NG pagdagsa ng milyun-milyong Pilipino sa puntod ng kanilang mahal sa buhay, walang patid ang paghahatid ng tulong ng RESCUE5 at NEWS5 AKSYON CENTER sa pamamagitan ng Aksyon Undas 2012.

Mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 1, kaagapay ng publiko ang emergency response at public service unit ng NEWS5 sa pamamagitan ng 24/7 first-aid station at public assistance desk na nakaistasyon sa Manila North at South Cemeteries. Sa naturang mga istasyon, nakaantabay ang mga tauhan at volunteer ng RESCUE 5 at NEWS 5 AKYON CENTER para sa iba’t ibang libreng serbisyo tulad ng pag-alalay sa mga senior citizen sa pamamagitan ng wheelchair assistance. Libre rin ang pagpapasuri ng blood pressure. Mamimigay rin ang NEWS5 ng inuming tubig sa pakikipagtulungan ng Maynilad. Magkakaroon din ng libreng tawag sa tulong ng SMART, at libreng pagpapa-charge ng cellphone sa pakikipagtulungan naman ng One Meralco Foundation.

Samantala, nakaantabay ang buong puwersa ng NEWS5 para ihatid ang pinakasariwang ulat mula sa iba’t ibang live points. Mula sa mga sementeryo, bus terminal, paliparan at daungan, nakatutok ang NEWS5 upang ipaalam sa publiko ang mga pangyayari sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Magpapalabas din ang RESCUE5 ng mga road safety information plug para gabayan ang mga motoristang uuwi sa kanilang mga probinsiya. Manatiling nakatutok sa TV5, Aksyon TV, Radyo Singko 92.3 News FM at InterAksyon.com para sa mga pinakahuling pangyayari kaugnay sa paggunita sa Undas.

MAY BAGONG dagdag sa pamilya ng Walang Tulugan With The Master Showman. Ito ay ang 17 years old Tsinito at endorser ng Rescuederm, F & S Tailors at Yamakoto Motorcycle Parts na si Joven Moreno.

Ayon kay Joven, hindi raw siya connected kay Mr. German Moreno, screen name n’ya lang daw ang Moreno at iba raw ang apelyido niya. Ang kanyang discoverer daw na si Mr. Jun Dela Cruz na siyang may ari ng F & S Tailors ang nagbigay sa kanya ng screen name na nagustuhan naman niya.

Sa ngayon daw ay busy si Joven sa mall shows kasama ang grupong UPGRADE, Fil/Canadian singer/beauty queen na si Gina Damaso at DJ Joph, kung saan nililibot nila ang iba’t ibang mall sa bansa.

John’s Point
by John Fontanilla

Previous articleLuis Manzano, sigurado na ang pagmamahal kay Jennylyn Mercado
Next articleNora Aunor, puno ng pagkukunwari

No posts to display