PANALONG-PANALO RAW ang pakiramdam at hinding-hindi makalilimutan ni Alden Richards ang pagkakataong makatrabaho ang nag-iisang Superstar Nora Aunor sa isang Cinemalaya short film na Kinabukasan na idinirek ni Adolf Alix, Jr.
Kuwento nga ni Alden, “Panalo! Kasi first time, tapos hindi ko ini-expect na makakatrabaho ko ang nag-iisang Superstar na si Ms. Nora Aunor. Isang malaking karangalan sa akin na makasama siya at makaeksena, parang naka-jackpot ako!
“Nakaka-proud! Iba ‘yung pakiramdam na katrabaho mo ‘yung Supertar. Sobrang bait niya at sobrang down to earth, hindi mo mararamdaman sa kanya na superstar siya, kasi ang bait-bait niya sa aming lahat.
“Pero noon pa man, nakaririnig na ako na si Ate Guy ay mabait, very professional at saka napakahusay. Sabi nga niya, instant anak na raw niya ako. Nakakataba ng puso na sabihin niya sa akin na anak na ang turing niya sa akin.
“Kumbaga, nagustuhan niya ‘yung trabaho namin, nagustuhan niya ‘yung outcome nu’ng project na ginawa namin. So, happy ako du’n, kasi maganda ‘yung resulta ng pagsasama namin sa proyektong ito.”
Pinayuhan ka ba ni Ate Guy tungkol sa pag-arte? “Wala naman po, nag-prepare lang talaga ako nang todo. Siyempre, pangit mapahiya ,eh. Parang first project ko with her (Nora Aunor), tapos tatanga-tanga ako at palpak. Ayoko naman ng ganu’n, parang hindi prepared, parang ganu’n.
“Nag-effort talaga ako, binasa ko ‘yung scrift nang paulit-ulit at inilagay ko sa sarili ko ‘yung character para maganda ang kalabasan. Alam naman natin, Ate Guy is Ate Guy. Superstar ‘yan, magaling. So, kailangan maging magaling din ako kahit papa’no. Kaya inaral ko talaga ang role ko,” pagtatapos ni Alden.
NATATAWA AT very honest na ikinuwento ng lead star ng TV5 tawaserye na Confessions of a Torpe na si Ogie Alcasid na napapanood mula Lunes hanggang Biyernes ang isa sa craziest thing na ginawa niya nu’ng bata pa.
Simula ng kuwento ni Ogie na noong nasa Grade 7 daw ay nainggit siya sa kanyang nga kaibigan na sumasakay ng jeep at bus, dahil hindi pa niya ito nararanasan dahil may sarili silang sasakyan na lagi siyang hinahatid at sinusundo.
Kaya naman isang araw, hindi siya nagpasundo sa kanilang driver at nagpaalam sa kanyang mga magulang na sasabay siya sa kanyang classmate. Pero ang totoo ay sasakay siya sa bus.
Dagdag pa ni Ogie na excited siyang sumakay ng bus at nag-observe kung ano ang ginagawa ng mga pasahero, kung saan may nakita itong tumatalon pababa ng bus sa tuwing papara.
Kaya naman daw nang siya na ang pumara ay tumalon din ito at nagpagulong-gulong sa kalsada na ikinagulat ng mga pasahero at ng kundoktor. Kaya naman daw ang ending, umuwi siya nang may mga galos at sobrang dumi sa kanilang bahay.
John’s Point
by John Fontanilla