AWARE DIN pala si Alden Richards tungkol sa balitang plano ng GMA-7 na pagsamahin sila ni Marian Rivera sa isang primetime series. Pero wala pa raw pormal na abiso sa kanya ang management.
“Naririnig ko rin lang po ang tungkol sa balitang iyon,” nangiting sabi ng aktor nang makausap namin kamakailan. Hinihintay ko lang po na talagang masabihan ako tungkol do’n. Kasi, hangga’t hindi pa po ako sinasabihan, hindi pa sure iyon. Pero… sana nga po, matuloy.
“No’ng una kong marinig ang tungkol sa balitang ‘yon, parang kabado ako. Na if ever matutuloy nga, nakakakaba talaga. Kasi, kung saka-sakali, Primetime Queen (bansag kay Marian) ang makakasama ko. And parang sa pag-stay ko sa showbiz na almost three years pa lang po, being paired with Ate Marian if ever, parang… wow!
“I’ll be very honored kung sakali nga pong matuloy. Pero at the same time po, hindi ko maiiwasang kabahan. Kasi mahirap po, eh. Mahirap. Baka masyado pong mataas ang maging expectations. So kailangan po, more workshops siguro sa akin.”
Nagkasama na sila ni Marian dati sa primetime series ng GMA na My Beloved at maging sa pinakahuling naging sequel ng Panday movie.
“Okey po siyang katrabaho. At wala akong masabi sa ugali niya. Pinakagusto ko ‘yong pagiging totoong tao niya. Na wala po ni katiting na kaplastikan. At saka po ang tingin niya sa amin na mga katrabaho niya, especially kami pong mga nagsisimula pa lang… parang mga kapatid po. Younger na mga kapatid.
“No’n nga pong nakasama namin siya sa My Beloved, kami ni Louise, lagi kaming binibigyan ng advice ni Ate Marian with regards to… kung paano i-handle ang career. At saka kung paano maging wise sa buhay. At iyon po ang naa-appreciate ko sa kanya. Kasi parang ‘yong mapayuhan ka agad ng isang Marian Rivera is… parang nakakabigla. Kasi very humble, e. Very humble pong mag-advice si Ate Marian. And may point ‘yong bawat payo na ibigay niya.”
At dahil sa mga nasabing katangian ni Marian, masasabi raw ni Alden na dream leading lady ito sa paningin niya.
“Yes po. Eversince. No’ng unang makatrabaho ko siya sa My Beloved, parang nai-starstruck ako lagi sa kanya. At kahit no’ng ginagawa namin ang Panday, may gano’ng feeling pa rin ako. May kaba po talaga. Kasi kapag nandiyan na siya, nasa harap mo na, ang hirap, eh. Mula ulo hanggang paa manginginig ka. Kasi siyempre, Marian Rivera ‘yan. Na dapat… hindi ka magkamali. Parang gano’n. So may gano’ng feeling po.
“Pero hopefully po, sana magkaroon kami ng workshop na magkasama. Para mas makilala po namin ang isa’t isa. At saka, looking forward po ako talaga na matuloy ‘yong project.”
Sakaling matuloy nga ang pagsasama nila sa isang project, nai-imagine kaya niya ang kanyang sarili na leading man siya ni Marian tapos magkakaroon sila ng kissing scene?
“Naku!” nangiting reaksiyon ni Alden. “Mas nakakakaba po iyon! At saka magpapaalam muna po ako kay Kuya Dong,” sabay tawa niya na ang tinutukoy ay si Dingdong Dantes na boyfriend ni Marian. “Mahirap na po!”
Halos tapos na rin daw siya ng kanyang shooting for 10,000 Hours. Isa ito sa mga entries sa Metro Manila Film Festival sa December. Ginagampanan niya ang mas batang character ng bida rito na si Robin Padilla.
“Last three shooting days na lang yata ako. And… masaya naman po ako sa pagpu-portray ko ng aking role dito,” sabi pa ni Alden.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan