IBANG KLASENG experience daw kay Alden Richards ang maging co-host ni Regine Velasquez para sa upcoming reality talent search ng GMA 7 na Bet Ng Bayan. Nakapapagod daw ang sobrang hectic na schedule niya para rito, pero sulit daw naman.
“Marami na akong napuntahang lugar sa Pilipinas,” aniya. “Galing na ako sa Cebu, Iligan, Cagayan de Oro, Legaspi, Gen San, Pampanga, Batangas, and… marami pa kaming pupuntahan.”
Nakapapagod daw ang mag-travel kung saan-saan. Pero enjoy naman daw siya.
“Masaya rin na magkaroon ka ng chance na makapunta sa iba’t ibang part ng Pilipinas for free. At nakakikita ka, nakadidiskubre ka ng iba’t ibang talents ng mga kababayan natin. Ang bina-value ko higit sa lahat, ‘yong istorya ng buhay ng mga sumasali. Kung bakit sila sumasali at kung ano ‘yong nag-push sa kanila para sumali sa mga contest. ‘Yong kung ano ang value at kung ano ang importance sa kanila na makapag-audition sa Bet Ng Bayan.
“Iyon ang nakaka-move sa akin, e. ‘Yon ang nakata-touch, kasi do’n ko nari-realize na masuwerte pa rin ako. Masuwerte ako na nakakakain ako ng tatlong beses sa isang araw. Masuwerte ako na may sasakyan. Masuwerte ako na may bahay. ‘Yong iba na mga na-interview ko, walang father. May watak-watak ang pamilya. Merong malaki ang problema financially. Merong may mga sakit. So, hindi lang pagiging co-host ‘yong trabaho ko dito sa Bet Ng Bayan. Parang isa rin ako sa mga instrumento para mapaligaya o mabigyan ng pag-asa ‘yong kababayan natin na nawawalan na ng hope.”
Malaking inspirasyon nga si Alden para sa kabataang may mga pangarap na gustong maabot. Na hindi man siya sinuwerteng makapasa sa audition sa Starstruck search noon, nabigyang katuparan pa rin niya ang kanyang hangaring maging artista.
“Ano lang po… tiyaga-tiyaga talaga. Kasi hindi naman lahat nakukuha ‘yan ng… sige sabihing nag-audition sila ngayon, first time. Hindi naman sigurado, e. Na kapag nag-audition ka no’ng una, pasok na agad, dire-diretso na ‘yon. It’s a constant progress. Hindi mo ‘yan makukuha ng isang pitik. So, kailangang paghirapan mo ‘yan, kasi hindi naman natutulog si Lord.”
BASTA MAY hinawakang kaso ang Public Attorney’s Chief na si Atty. Percida Acosta, talagang hindi raw niya tinatantanan hanggang hindi natatapos. Anuman ang mangyari at gaano man katagal ang abutin, mananatiling kaisa raw siya ng mga complainant sa pakikipaglaban.
Bukod sa kasong ng mga biktima ng paglubog ng MV Princess Of The Stars laban sa may-ari ng barko, may iba pang case na tinututukan si Atty. Acosta. Kabilang na rito ‘yong PMA cadet Cudia na hindi naka-graduate dahil na-late ito sa klase.
“Dalawang minute siyang na-late at no’ng nagpaliwanag siya ay sinungaling na siya,” nailing na pahayag ng PAO Chief sa isang packet interview nitong Lunes.
“Dalawang minute lang, nasira ang buhay niya. Pero pilit po nating binubuo. Isang batang nangarap na mapabilang sa ating mga sundalo na magtatanggol ng ating karagatan dahil nasa navy group siya. At siya sana ang class salutatorian ng buong navy class.
“Pero ngayon, nakatatak sa kanyang transcript of records na indefinite leave hanggang ngayon. Hindi binigyan ng diploma at ng honorable dismissal.
“Hanggang sa ngayon ay para siyang isang bilanggo na walang kalayaang magtrabaho dahil walang diploma. Tapos ang kanyang transcript ay may nakalagay na indefinite leave.
“Kaya gusto naming manawagan sa korte suprema na bilisan ang pagresolba doon sa aming petition for mandamus. Ang ibig sabihin po ng mandamus ay hinihiling namin ang korte na utusan ang isang ahensiya ng pamahalaan o isang departamento gaya nga ng PMA na gawin ang nararapat at ang kanilang responsibilidad sa batang ito.”
Tuloy rin daw ang pag-agapay niya sa kaso ng kasambahay na si Bonita Baran laban sa kanyang amo na diumanong nagmaltrato at bumulag dito.
“Tuloy-tuloy din ang aming pagbibista para rito at nakakulong pa rin ang amo niya sa Camp Karingal,” sabi pa ni Atty. Acosta.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan