MAIPAGMAMALAKI TALAGA ng GMA-7 si Alden Richards, dahil bilang sumisikat ngayong artista ay puro positibo ang sinasabi ng mga tao sa kanya, lalo na ng mga kasamahan natin sa press, dahil napaka-simple at magalang ang guwapong actor kapag humaharap siya sa mga tao.
Ilang ulit na kaming nagte-text sa kanya na ipinapadaan namin sa kanyang kaibigan ang mga mensaheng gusto naming iparating at itanong, at talagang may panahon siya na sumagot. Naawa naman kami sa kanya, na kamakailan, nang magpadala kami ng text sa kanya ay kinabukasan na niya nasagot.
“Pasensiya na po, hindi agad ako makapag-reply, dahil binaha po ang aming lugar sa Laguna, kaya binaha ang loob ng house namin.”
Ipinatanong kasi namin sa kanya na nagkakaroon na agad ng intriga ang tungkol sa planong pagsasama nila ni Marian Rivera sa isang project. Na sinasabing hindi sila bagay dahil malaki ang agwat ng edad nila ng aktres. Iniintriga rin kasing walang originality ang kanyang acting, dahil ang istilo daw ng kanyang acting sa Mundo Mo’y Akin bilang si Jerome, ay hawig na hawig sa atake ng acting ni John Lloyd Cruz. Nanggagaya lang daw ba siya?
“Kung matutuloy naman ‘yung project, wala po sigurong magiging problema. Magagawan naman ‘yun ng paraan. Excited ako sa project kung matutuloy iyon. Salamat naman sa mga nakakapansin sa acting ko. Nakakataba po ng puso. Pero hindi naman po ako nanggagaya. Siguro lang, sa tingin ng mga nanonood ay may hawig ang acting ko sa ibang artista, pero wala po akong ginaya. ‘Yun lang po siguro ang resulta ng pag-arte ko,” wika ng guwapong actor.
Ryzza Mae Dizon, sa murang edad, alam na ang kahulugan ng hirap
MAHABA ANG dinaanang paghihirap sa buhay na naranasan ng pamilya ni Ryzza Mae Dizon. Na sa kamalayan ng sikat na sikat ngayong child star ay alam na alam na niyang malungkot iyon. Kaya nga, kapag iniinterbyu siya at napupunta sa sobrang kahirapan ang topic, hindi niya nakakayanan ang emosyon at nahahabag siya sa sarili na umiiyak. ‘Yun daw kanyang lifestory na ipinalabas sa Magpakailanman ng GMA-7, kulang na kulang pa. Hindi raw kasi puwedeng magkasya sa kabuoan ng nasabing programa ang mahabang hirap na dinanas nila sa buhay.
Nakapaglalaro pa naman sa ngayon si Ryzza kahit busy na talaga siya sa dami ng kanyang raket sa showbiz. Kasama siya sa mga programang Eat Bulaga, Vampire Ang Daddy Ko! at sa The Ryzza Mae Show. Hindi napipilitan sa kanyang pag-aartista si Aleng Maliit, dahil kahit bata pa siya sa ngayon ay alam niya sa kanyang sarili na nagbabago na ang takbo ng kanilang pamumuhay. At ang luho na hindi nila nararanasan dati, nakukuha na ngayon ng kanilang pamilya, dahil nag-aartista siya.
Dekada na ang itinagal ng kasikatan nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon sa kanilang noontime show, naka-poste na sila roon. Pero si Ryzza ang pambalanse ng programa na bagong kinasasabikan sa kanilang show. Alam na ni Ryzza ang kanyang ginagawa para magpasaya ng mga manonood.
Kamakailan, habang iniinterbyu niya sa kanyang show si April Boy Regino, nadulas at nahulog si Ryzza sa mababang stage, pero bumangon siya bigla na parang walang nangyari, at hindi umiyak, sabay-bawi ng tsika ulit sa kanyang guest. Nakakaaliw na bata, kaya mahal siya ng masa.
ChorBA!
by Melchor Bautista