WALA NA nga yatang makapipigil pa sa kasikatan ng split-screen loveteam na sina Alden Richards at Maine Mendoza o mas kilala sa tawag na AlDub. Halos lahat ng mga Pinoy, mapa-chikiting, mapa-bagets, mapa-feeling bagets, mapa-mga magulang natin, at maging mga lola at lolo natin, hype na hype sa tambalang Alden at Yaya Dub. Minsan, napatatanong ka, bakit ganito na lang ang mainit na pagtanggap sa kanila? Bakit nga ba?
Si Yaya Dub ay naunang maging Maine Mendoza muna. Ano ang ibig kong sabihin dito? Minsan ding nangarap maging artista si Maine. Sa edad na 20, gaya ng mga ordinaryong bagets, mahilig lang din siyang mag-explore sa mga apps sa phone at nahilig sa app na Dubsmash. Kanyang kinagiliwan ang paggawa ng Dubsmash videos. Gaya ng pag-e-enjoy niya sa paggawa ng mga ito, enjoy na enjoy rin ang mga Pinoy sa panonood ng kanyang videos hanggang sa umabot sa milyon ang hits, kaya siya ay biglaang nabigyan ng spotlight hanggang narating ang rurok ng kasikatan na kanyang tinatamasa ngayon. Kaya marami ang humahanga at umiidolo kay Maine ngayon dahil nakikita ng mga bagets ang kanilang sarili kay Maine. Kumbaga, relate na relate sila sa pinagdaanan ni Maine at para sa gaya nila, ordinaryong tao rin si Maine na may pangarap sa buhay.
Hindi maipagkakaila na napakalaki ng impluwensya ni Lola Nidora sa kasikatan ng phenomenal loveteam na Aldub. Gaya ni Maine, relate na relate din ang lahat lalo na ang mga magulang at mga lola at lolo sa karakter ni Lola Nidora dahil sa kanyang lubos-lubos na pagmamahal kay Maine. Gaya ng lahat ng mga magulang, sobra-sobra ang pagmamahal nila sa kanilang mga anak kaya naman kung minsan napaghihigpitan nila ito, pero para rin naman sa kanila ang paghihigpit na ginagawa. Lalo na sa aspeto ng pag-ibig, OA na kung OA ang paghihigpit ni Lola Nidora sa AlDub, pero ganoon talaga. Iyon ang makabubuti sa kanila para hindi maligaw ng landas dahil ang mga bagets, mapusok. Pinoprotektahan lang ng mga nakatatanda ang kanilang mga anak o apo.
Si Alden naman, bukod sa kanyang taglay na kagwapuhan at kakisiga, mas malaki pa roon ang impluwensya na kanyang naibibigay sa lahat. Kaya grabe na lang ang pagtanggap sa kanya ng mga Pinoy dahil sa kanyang pagiging magalang, masunurin, gentleman, at marunong makinig sa mga nakatatanda. Sino ba naman ang hindi makukuha sa isang kindat ni Alden? Pero hindi siya nag-take advantage. Sumunod pa rin siya kay Lola Nidora. Kaya naman maraming saludo sa kanya! At kaya rin isa siyang naging mabuting ehemplo sa mga kalalakihan sa bansa.
Hindi lang nagbibigay entertainment ang AlDub. Sila ay nagbibigay-aral, at nagsisilbing magandang ehemplo sa mga Pilipino. Kaya naman hindi na kataka-taka na ang AlDub ay talagang sumasalamin sa realidad ng buhay ng mga Pinoy.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo