MULING NAGTALA ng panibagong record sa Twitter ang AlDub hashtag na #ALDubEBTamangPanahon na umabot sa mahigit 39.5 million tweets last October 24, 2015.
Hindi lamang nito sinira ang previous record na naitala ng #AlDubEBForLove, na umabot sa 25.6 million tweets noong September 26, kung hindi maging ang 35.6 million tweets na naitala ng #WorldCup match sa pagitan ng Brazil at Germany (#BRAvsGER) noong 2014.
Pagpapatunay lang na ang AlDub ay isang “global phenomenon”, gaya ng pahayag ng Twitter Asia Pacific and Middle East vice president na si Rishi Jaitly.
Matagumpay na ginanap ang #ALDubEBTamangPanahon nitong Sabado sa Philippine Arena with no commercial breaks, kung saan umabot ng 55k ang mga taong nanood at may mga tao pa sa labas ng Arena.
Ito rin ang pinakamaraming live audience ng Eat… Bulaga! sa loob ng 36 taon nito sa ere, kung saan nakalikom sila ng P14 million mula sa napagbentahan ng tickets ng concert. Ang halagang ito ay gagamitin sa pagpapagawa ng school libraries at pagbili ng mga libro sa iba’t ibang eskuwelahan sa bansa.
Kaya itinuturing nila itong bahagi ng kasaysayan, hindi lamang ng Kapuso noontime show kundi maging sa buong television history.
John’s Point
by John Fontanilla