PARANG NAGING mistulang garotehan ang Senado noong nakaraang araw at ang mga Binay ang binitay. Para kasing firing squad ang hinarap ni Mayor Junjun Binay sa mga sunud-sunod na pagtatanong nina Sen. Antonio Trillanes IV at Sen. Alan Peter Cayetano na animo’y mga bala na tumapos sa masiglang karera ng mga Binay sa politika, lalung-lalo na sa pangarap na pagkapangulo ni VP Jejomar Binay.
Malamang ay may panibagong pagpipiyestahang isyu na naman ang mga netizen sa mga social media site at maging ang mga ordinaryong tao sa kani-kanilang barangay. Hindi na naman bago sa isip nating lahat ang mga korapsyon sa gobyerno at mga lokal na pamahalaan. Iba lang talaga ang dating kapag may nagpapatotoo na nito sa pamamagitan ng mga ebidensyang inilalabas.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin kung may merito nga ba ang mga alegasyon na umano’y overpricing ng mga proyekto ng mga Binay sa Makati. Gayon din ay pupulsuhan natin kung paano ito makaaapekto sa karera ni VP Binay sa pagkapangulo sa darating na 2016 Presidential Elections. Tutukuyin ko rin ang kalakaran sa politika sa tuwing sasapit ang eleksyon.
MAY MERITO nga ba ang mga alegasyon sa mga Binay? Malakas ba ang mga ebidensyang inilalabas laban sa kanila? Kung napanood n’yo ang committee hearing sa Senado hinggil sa isyung ito ay tiyak na mag-iisip kayo sa katauhan ng mga Binay. Hindi kasi naipaliwanag ni Mayor Junjun Binay nang maayos kung bakit napakamahal ng parking office building na ipinatayo nila ng kanyang ama sa Makati.
Hindi naging malinaw kung bakit umabot higit sa 2 bilyong piso ang halaga ng gusaling ito. Pawang paghuhugas-kamay din ang ginawa ng mga COA auditor at paminsang tila naghugas-kamay na rin si Mayor Binay nang aminin nitong baka nga may posibilidad na mayroong “overpricing” dito nang hindi niya nalalaman. Ang sinasabi nilang “world class” daw ang gusali ay tila ikinapahiya pa ng Mayor ng Makati nang ibinuking ni Sen. Cayetano na ang 13 floors na gusali ay may 2 elevator lamang at sira pa ang isa.
Hindi na rin nakahirit si Mayor Binay nang malinaw na naipakita ni Sen. Cayetano kung gaano kamahal ang gusali nina Binay kumpara sa mga primera klaseng mga gusali sa Makati. Lalo pang nadiin sina Binay dahil sa mga ibinahagi ng isang independent at sikat na contractor sa Pilipinas bilang isang resource person sa hearing.
LUMABAS NA tila sa lahat ng anggulo ng alegasyon ay talagang nagkaroon ng “overpricing” at minanipula lamang ang sistema at proseso upang pumasa ito sa pag-audit ng COA.
Sa tingin ko ay ito na ang pinakamabigat na isyung politika sa karera ni VP Binay. Dahil sa pangunguna niya sa mga surveys para sa pagkapangulo sa 2016 Presidential Elections ay tiyak na hindi siya lulubayan ng mga kalaban sa 2016. Ang mahirap ay paano niya lalabasan ang gusot kung may mga matitibay na ebidensya laban sa kanya.
Dapat sana matutunan na ng ating mga lingkod-bayan na walang lihim na naitatago at lalo’t sikat ka ay tiyak na huhukayin lahat ng iyong lihim na katiwalian kung mayroon man. Ang pinakamagandang pamantayan ay ang pagsisilbi sa bayan nang buong-puso na walang inaasahang kapalit.
SIR, IREREKLAMO ko lang po ang Quezon National High School dahil grabe maningil sa mga estudyante ng para sa kung anu-anong bayarin. Pati para sa maintenance at CR ng eskuwela ay sa estudyante pinapaako.
ISA PO akong concerned citizen, isusumbong ko lang po sana ang isang public school sa amin. Maraming sinisingil na bayarin sa mga student. Dito po ito sa Mahayag Zamboanga del Sur National High School.
IREREKLAMO KO lang po iyong mga tricycle na ginawang terminal ang harapang ng munisipyo ng Taguig City hanggang sa may Bambang Bridge. Wala nang madaanan ang mga tao kundi sa gitna ng kalsada. Malapit lang ang barangay pero deadma lang at kapag may emergency ay hindi makalulusot kaagad ang sasakyan dahil sa traffic.
GUSTO KO lang po sanang ireklamo ang mga colorum dito sa Antipolo dahil masyado nang garapalan. May terminal pa sila. Dapat puntahan po sila ng LTFRB para mahuli at matigil na sila mag-operate.
IDOL, ISUSUMBONG ko sana iyong kapitan namin dito sa Brgy. Dungos, Tulunan, North Cotobato kasi kumukuha siya ng tig-P10.00 araw-araw sa mga employee na residente niya. Sana po ay maaksyunan n’yo ito. Salamat.
ISUMBONG KO lang po ang mga police na sakay ng mobile car na may body number QC-38 dahil mga kawatan at nanghulidap po sa amin noong Sabado, bandang 4:30 am sa may Katipunan Avenue.
AKO PO ay humihingi ng tulong sa inyo na sana po ay matulungan n’yo kaming matawag ang pansin ng mga kinauukulan para malagyan man lang ng drainage iyong aming lugar sa Iwahig Doña Petra Compound sa Brgy. Tumana, Marikina. Nakaaawa lang po kasi ang mga batang pumapasok sa eskuwela dahil lagi pong nababasa ang sapatos kahit walang ulan dahil sa tubig sa kalsada.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan sa Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Napanonood din ang inyong lingkod sa newscast na Aksyon sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 12:00-12:30 noon. At sa T3 Enforced, 12:30-1:00 pm, Lunes hanggang Biyernes pa rin sa TV5.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo