SINA ALESSANDRA de Rossi at Menggie Cobbarubias ang nanalong best actress at best actor sa katatapos na QCinema awards night na ginanap sa Cinema 4 ng Trinoma Mall noong Linggo, November 9. Ito’y sa mahusay nilang pagkakaganap sa pelikulang Mauban: Ang Resiko.
Nanalo ng Audience Choice Award ang QCX (Quezon City Experiecce) Anthology, ang award para sa pelikulang may pinakamaraming naipon na tickets mula sa mga nanood. Magkakasama rito ang limang short na Tila, Ang Nanay Ni Justin Barber, Senior, Bonifacio, at Sa Ngalan Ni Ultimate Warrior.
Ang 1st Ko Si 3rd na pinagbibidahan nina Nova Villa at Freddie Webb ang nanalo ng gender Sensitivity Award. Ang Nanay Ni Justin Barber naman ang nanalong NETPAC Prize For Short Film samantalang NETPAC Jury Prize For Best Film ang Di Paglimot Ng Mga Alaala, at Best Picture ang Mauban: Ang Resiko.
Hindi dumating si Alessandra de Rossi kaya ang director ng pelikulang Mauban: Ang Resiko na si Lemuel Lorca ang tumanggap ng actress trophy para sa kanya. Kausap daw niya ang aktres bago ang awards night pero wala siyang sinabi kung bakit hindi ito nakarating.
Ang iba pang nominado ay sina Nova Villa for 1st Ko Si 3rd, LJ Reyes sa Bigkis, Rossana Roces para pa rin sa Bigkis, at RC Penafrancia para sa Tres.
Mabuti at present ang best actor winner na si Menggie Cobbarubias para tanggapin ang kanyang award. Tinalo niya ang iba pang nominadong sina Alex Medina ng In Darkness We Live, Jess Mendoza para sa Mauban: Ang Resiko, Lou Veloso sa Tigbao, Mon Confiado para sa In Darkness We Live.
Pagkatapos ng awards night, usap-usapan kung bakit iilan lamang ang mga artistang dumating. Isa sa highlight ng 75th anniversary ng Quezon City ang QCinema International Film Festival kaya marami ang nag-akala na magiging star-studded ito.
Bukod sa Best Actor winner na si Menji Cobarrubias at isa sa best actor nominees na si Mon Confiado, ang iba pang namataang dumalo rito ay ang mag-inang Isabel at Mara Lopez kasama si Leo Martinez na kabilang sa cast ng Tres, Dennis Padilla, at si Jaclyn Jose (na isa sa mga naging jury ng QCinema festival entries).
Maraming moviegoers ang nagpakita ng kanilang suporta sa mga pelikulang tampok sa QCinema International Film Festival. Kapuri-puri rin ang naging dedikasyon at initiatives nina Mayor Herbert, Vice Mayor Joy, at ng Quezon City Film Development Council para rito.
Tanong ng mga nadismaya… nasaan ang mga artista? Huwag na ‘yong cast ng mga pelikulang kasali. Kahit ‘yong mga nominado man lang. Naturingan pa naman daw na City Of Stars Ang Quezon City. Tapos ang awards night QCinema International Film festival na isa sa highlights ng ika-75th year ng lungsod, dinedma ng mga artista.
Nakalulungkot!
SA NAOOBSERBAHAN namin, iba na talaga ang kasalukuyang henerasyon ng artista. Kung walang talent fee, bibihira ang magkakainteres na magbigay ng kanilang kooperasyon.
Ang karamihan, tinatamad at ayaw magbigay ng kahit sandaling oras o panahon sa mga bagay na wala silang kikitain. Kahit nga sa pagpapaunlak sa mga interviews, iilan na lang ang approachable.
Bilang reporter, nakikita talaga namin ang malaking kaibahan ng mga stars ng mga nakalipas na panahon sa mga bagong sibol na artista ngayon.
Nineties no’ng pumasok kami sa larangan ng entertainment journalism. Inabot namin ang panahong majority ng mga artista ay magiliw sa pakikiharap sa press. Para bang ang thinking nga ng mga artista noon… kulang ang pagka-artista mo kapag walang movie reporters na pumapansin o nagbibigay ng importansiya sa ‘yo. May iba pa ngang nagpapaka-generous para lang ma-maintain ang magandang relasyon sa press people.
Pero ngayon, iba na. May present generation of stars na kahit ilang minutong interview lang, ipinagdadamot nila. Bakit? Mararating ba nila ang estado ng kasikatan kung wala ang entertainment press na nagpu-promote ng kanilang mga projects na nagsusulat ng latest updates about them para sa kanilang fans?
They should learn sana from other big stars na nauna sa kanila lalo na ‘yong mga institusyon na sa industriya. Na isa sa dahilan kung bakit sila nagtagal sa industriya ay dahil sa magandang pakikisama. ‘Yon bang hindi lahat ay puro tungkol sa pera o kung may kikitain ba. Naman!
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan