DAHIL SA kaartehan ni Alessandra de Rossi, tinanggal na lang siya sa serye ni Marian Rivera sa GMA-7, ang remake ng Koreanovela na Temptation of Wife.
May prinsipyo raw ang younger sister ni Assunta de Rossi na kahit walang project na ibigay sa kanya ay okey lang, kaysa pumayag na makipaghalikan at magkaroon ng love scene sa kapartner sa isang serye.
Kahit na keri nitong magpa-seksi sa mga endorserment niya na naka-bra at panty lang, pero tila sagrado kay Alex ang pakikipag-love at kissing scene, mapa-telebisyon man o pelikula.
Hindi puwede kasing dayain ang mga eksena sa Temptation of Wife kaya pinalitan na lang siya ni Glaiza de Castro.
Hindi naman daw nanghihinayang si Alex sa role na napunta kay Glaiza, dahil siya naman ang makakasama nina Dingdong Dantes at Kylie Padilla para sa Haram, na istorya ng isang Muslim na umibig sa isang Kristiyano.
Nang tanungin si Alex kung talagang siya ang umayaw sa role o ang production ang nagdesisyon na palitan siya?
“Eh, ayaw namang dayain! Binigyan naman ako agad ng Haram, eh ‘di go na! Hindi ko na pinag-isipan.
Ang tanong: hanggang kailan kaya mapaninindigan ni Alex ang kanyang prinsipyo kuno na hindi papayag na may halikan at love scene siyang gagawin sa isang project?
Baka naman kung kailan matanda na siya, saka siya pumayag. Eh, may kumuha pa naman kaya sa kanya, if ever na payag na siyang makipaghalikan?
SA TWITTER nina Iwa Moto at Will Devaughn sobrang takot ang naramdaman nila nang lumindol last Friday nang gabi.
Nasa Cebu sila nang lumindol at ramdam na ramdam daw nila ang malakas na pag-uga sa hotel na kanilang tinuluyan.
Nagsi-shooting daw sila roon ng isang indie film para sa Cinema One at ilang araw din daw sila namalagi sa Cebu.
Sobrang takot nga raw ang nadama ni Iwa dahil kahit ang aftershock na lindol ay sobrang lakas pa rin na damang-dama nila sa kanilang tinutuluyang hotel.
Nakahinga nang maluwag at naging kalmante na lang si Iwa na safe silang nakabalik ng Maynila.
Samantalang super proud at wala raw ikinahihiya si Iwa sa ginawang pagpo-pose nang hubad sa Playboy Magazine kamakailan. Hindi rin daw siya apektado sakaling makita ng boyfriend niya ang ginawang pagpo-pose ng hubad dahil maganda at ‘di bastos lumabas ang mga sexy pose.
TULAD NG aming inaasahan, ‘di naging maganda ang resulta sa takilya ng Guni-Guni na produce ng Regal Films.
Sayang ang mga ipinakitang sakripisyo at hirap ng acting na ipinamalas ni Lovi Poe. Naging wa-epek ito sa viewers dahil flopsina ito.
Tsika pa na may mga sinehan na pinaglabasan nito ay nag-first day at last day na pinalitan ng isang Pinoy movie rin.
Anyway, nang mapanood namin ang trailer ng Tiktik: The Aswang Chronicles na pinagbidahan at prinodyus ni Dingdong Dantes, masasabi namin na ‘di hamak na maganda ang pagkakagawa nito at posibleng maging blockbuster sa takilya dahil sa kakaibang pagkakagawa ng isang horror/suspense movie.
Sa October 17 pa ito nakatakdang ipalabas sa mga sinehan, pero ngayon pa lang ay magkakaroon ito ng school tour kung saan magkakaroon ng talks ang cast, director at ang iba pang bumubuo ng cast ng Tiktik.
Ang unang school na pupuntahan ng buong cast ng Tiktik ay ang Adamson University sa Manila at bukod dito ay magkakaroon din ng ilang series of autograph signing ng mga Tiktik komiks sa ilang branches ng National Bookstore.
Ngayon pa lang ay binabati na namin si Dingdong dahil sa ganda ng pagkakagawa ng pelikula.
Oh. C’mon!
By Gerry Ocampo