AYON SA director ng pelikulang Through Night & Day na si Veronica Velasco, muntik nang ikamatay ni Alessandra de Rossi ang isang eksena kinunan sa Iceland dahil sa sobrang lamig ng panahon.
Ang naturang eksena raw ay sa isang hot spring lagoon na hindi naman daw talaga “hot” ang tubig kundi napakalamig din. Kailangang mag-swimming ni Alessandra sa eksena pero sobra itong gininaw.
Tinapos daw kaagad nila ang eksena dahil baka raw mapatay pa nila ang aktres.
“Ang layo pa ng pool, kailangang mag-trek ng 15 to 30 minutes, so, kung may mangyari sa kanya, hindi namin siya mara-rush sa ospital, maglalakad pa kami,” kwento ng lady director sa mediacon ng Through Night & Day.
Reaksyon naman ni Alex, “Ganu’n pala ang pakiramdam ng parang hypothermia, akala ko parang manginginig ka lang, tapos mamamatay ka, hindi pala siya ganu’n”
“Kahit nung umalis na ako sa tubig at nasa kwarto na ako, sobrang nanginginig pa rin ako sa lamig.”
Habang nasa lagoon ay naisip na rin daw niya na baka time of death na niya talaga.
“Sabi ko, ‘My God, mamamatay ako. Kasi talagang wala na, hindi ko na makontrol ang katawan ko. Nagsye-shake na talaga siya, as in, hindi ko na mahubad ‘yung suot kong basa (damit). Tapos niyayakap lang nila ako, tapos, kumot. Lahat ng body heat, nilalagay sa akin kasi feeling nila, mamamatay na ako kasi hindi ako makahinga talaga,” pag-alala pa ni Alex sa nangyari.
Showing na ang Through Night & Day sa Nov. 14. Leading man ni Alex sa pelikulang prinodyus ng Viva at OctoArts Films ang kaibigang actor na si Paolo Contis.
La Boka
by Leo Bukas