OUT SA isip ni Alex Gonzaga ngayon ang pagkakaroon ng lovelife. Ito raw ang dahilan kung bakit kahit may nagpaparamdam sa kanya ay dedma lang siya.
Kung sa bagay, baka maging sagabal lang nga sa magandang takbo ng kanyang career ngayon kung magkakaroon siya ng boyfriend. Kaya tama lang na sa trabaho siya mag-focus at this point. Tulad ng fantaseryeng Inday Bote na pinagbibidahan niya sa ABS CBN na consistent ang nakukuhang mataas na ratings. Meron din siyang ipinu-promote na album ngayon na I Am Alex G under Star Music.
“Six cuts ang nasa album ko. At lahat ng ito ay iri-release din bilang single,” excited na sabi nga ni Alex.
Nauna nang ini-release ‘yong awitin niyang Panaginip Lang. At last March 23, nag-premiere naman ang music video nito sa MYX at sa YouTube.
Marami raw ang makare-relate sa anim na kantang nilalaman ng album ni Alex. Sa aspetong ito, kompiyansa raw siya.
“‘Yung song na Panaginip Lang, tungkol ito sa… ‘yung feeling mo na parang meron kang gustong tao na sobrang gustung-gusto mo. Tapos feeling mo hindi ka niya magugustuhan. And then magugulat ka na lang, one day pag gising mo, kayo na pala. ‘Yong Hindi Ko Akalain naman, tungkol sa… ang akala mo, never ka nang makamu-move on sa lalaking ‘yon. And then you see him at na-realize mong wala na, hindi mo na pala siya gusto. Or ‘yon bang… may mga ex na bumabalik-balik. Pero feeling mo, deadma ka na.”
‘Yong kanta naman niyang Boyfriend, what is it all about?
“I wrote that. The lyrics. Ito ‘yong mga ginagawa ng lalaki sa simula, na sinusundo ka at hinihintay ka pa. Pero kapag nagtagal na kayo, hindi na kayo halos magkita. Tapos sasabihin niya, gusto niyang maka-hang out ang friends mo. Pero ang ending, puro naman laging friends niya ang kasama n’yo. ‘Yong Kung Ayaw Mo naman… kung ayaw mong mag-stick to one at hindi mo kayang panagutan, then ayaw na kitang maging boyfriend. Out ka na sa life ko. Huwag ka nang manligaw.”
Excited din daw si Alex para sa nalalapit niyang concert. Ito ay ang AG From The East: The Unexpected Concert at the Araneta Coliseum on April 25.
“‘Yong title na AG From The East, ako mismo ang nakaisip. Gusto ko ‘yon… Alex Gonzaga from Taytay East. And then… Unexpected, kasi no one expected this. But it’s happening. So, I want the people to hope for the best, but expect nothing!” natawang biro pa ni Alex.
GRADUATE NA ng management sa University Of Sto. Tomas si Bb. Pilipinas Anne Lorraine Colis. Pero nag-aral siya ulit ng kursong Accountancy dahil gusto niyang maging CPA (Certified Public Accountant).
Nakapanghihinayang dahil three months na lang at graduate na siya sa ikalawa niyang kurso. Pero kinailangan daw niyang mag-drop dahil sa kanyang pagsali sa Bb. Pilipinas. First time pa lang daw niyang sumali sa isang beauty contest. No’ng nagpaalam nga raw siya sa kanyang mga magulang ay ayaw raw ng mga ito.
“And I took the big risk. Nag-drop po ako para makasali sa Bb. Pilipinas. Kaya nga po do’n kami nagka-problem ng magulang ko. Na sinabi nila sa akin… next year na lang ako sumali. Pero there’s something talaga na parang may nagsasabi sa akin talaga na… kailangan mong sumali.”
At nanalo naman nga siya bilang Bb. Pilipinas-Tourism. ‘Yon nga lang, nakalulungkot dahil balitang hindi magkakaroon ng Miss Tourism Queen International for this year. Sa beauty pageant na ito sana nakatakdang mag-compete si Anne Lorraine.
Ayon kay Anne Lorraine, wala pa rin daw ngang pormal na pinag-usapan sila ng Chairperson ng Bb. Pilipinas Charities Inc. na si Stella Marquez Araneta.
“Pero lagi ko siyang sinasabihan na…. SMA (bansag kay Stella Marquez Araneta), gusto ko talaga ng international pageant. And sabi naman po ni SMA sa akin na… in-assure niya sa akin na she’ll work on it.”
Hindi kaya siya ang ipapalit bilang representative ng Pilipinas sa Miss Intercontinetal pageant? Ang nanalo kasi rito for this year na si Christy Lynn Mc Garry ay nag-compete na rito dati.
Bago nalipat sa Bb. Pilipinas, dati kasing ang Mutya Ng Pilipinas ang nagpapadala ng lalaban sa Miss Intercontinental kung saan nanalo rin before itong si Christy Lyn.
Rubbing Elbows
by Ruben Marasigan