AKALA namin, isa si Klaudia Koronel sa mga sexy star noon na walang patutunguhan. Laging laman ng mga gimikan, kung maglasing ay nawawala sa sarili at kung minsa’y napaglalaruan.
Nawala si Klaudia at nag-concentrate sa pag-aaral noong tumamlay ang sexy movies. It proved to be a wise decision. Mahirap ‘yun kay Klaudia dahil nasanay siya sa nakalalasing na limelight at sa loob ng apat na taon ng kolehiyo sa New Era University, natutunan ni Klaudia ang tumahak sa simpleng buhay.
Matinding hirap din ang dinanas ni Klaudia. Ang kanyang kuwento ay kapupulutan ng aral at inspirasyon, lalo na ng mga sexy star na ang karamihan ay nagiging patapon ang mga buhay. Nagbalik sa simpleng pamumuhay si Klaudia na ang inintindi lamang ay ang makatapos ng pag-aaral at nagbunga naman ito ng maganda. Ngayon, hindi na niya pinoproblema ang mawalan ng titirahan dahil sa kakapusan ng pera at pambayad ng renta. Sa pagsisikap niyang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya, may mga puntong naging bulagsak din siya sa pera at bago naubos ang kanyang ipinundar ay doon nagising siya sa katotohanan na kailangang bigyan niya ng saysay ang kanyang buhay. Nakatapos ng pag-aaral si Klaudia at ang balak na lamang sana niya’y magbalik uli sa pag-aartista.
Naging masuwerte siyang makatagpo ng lalaking tunay na nagmahal sa kanya, at kailan lang siya’y ikinasal. Nagbubuhay-donya si Klaudia ngayon sa napakalaking mansyong pag-aari ng kanyang mayamang mister na isang travelling businessman sa may Loyola Heights. Kung noon, pinoproblema niya kung saan magpapalipas ng gabi at baka mapalayas ng kasera, ngayon, hindi niya malaman kung saan siya titira — kung mag-i-stay ba rito sa Pilipinas, o maninirahan na lamang sa ibang bansa kung saan may mga property rin sa U.S. at China ang kanyang napangasawa.
Nang makita namin si Klaudia sa press preview ng bagong directorial work ni Cesar Apolinario, ang Estasyon na ginanap sa U.P. Videotheque kamakailan, wala namang halos ipinagbago ang aktres. Naroroon pa rin ang matinding passion niya sa pagganap at nang ialok sa kanya ang role ng isang sakiting ina ng isang patapon ang buhay sa Estasyon, hindi na pinag-usapan ang talent fee at umoo na agad siya. Malaking bagay rin ‘yung matalik na kaibigan niya ang direktor ng pelikula, at sinabi ni Klaudia na hindi siya nagpabayad dito at ang gusto lang niya, ‘yung makabalik uli sa pag-arte.
Hindi rin niya kakayanin ang regular na trabaho sa isang soap opera dahil paalis-alis ang mister niya, at habang isinusulat namin ito, baka nakasunod na muna si Klaudia sa kanyang mister sa New York, kung saan ito nakadestino ngayon.
NAGING MATAGUMPAY ANG proyektong “Kalinga Para sa mga Bata,” isang pagsasanib na puwersa ng grupo ni Alfred Vargas at ng Entertainment Press Society, Inc. (ENPRESS) na ginanap noong Linggo, sa Kalayaan B sa may Batasan, Quezon City.
Napansin lang namin, dumarami ang mga batang bumibigay at lumalaking mga baklita, na talagang hindi nahihiyang isiwalat ang kanilang paghanga kay Alfred. Wala namang pakialam si Alfred na humahalik at yumayapos sa mga ito, na lalong ikinasisiya ng maraming nakiisa sa advanced birthday celebration na ‘yun ni Alfred sa October 24.
Calm Ever
Archie de Calma