BUKAS ANG HEARING ni Willie Revillame sa kaso niya sa TRO na ni-request ng ABS-CBN 2.
Nagpahayag ng suporta ang mga taong malalapit sa kontrobersiyal na TV host kaya roon makikita kung gaano katindi ang suporta sa kanya.
Nu’ng Martes ng gabi nga, nakita raw ng source namin na nagsimba sa Baclaran ang mga dancers niya at pinagkaguluhan pa sila roon.
Tiyak na lalong pagkakaguluhan itong kaso ni Willie at ang ending napu-promote ang bagong programa niya sa TV5.
Hay, naku! Abangan na lang natin kung ano ang kahihinatnan nito.
Naalala ko rin ‘yung kay DJ Mo Twister na kaso sa GMA-7. May TRO rin sila nu’n pero bakit napapanood pa rin ito sa TV5? Kaya pursigido itong abogado ni Willie na malusutan nila ito.
HINDI PALA NATULOY ang arraignment ni Baron Geisler sa kasong Acts of Lasciviousness na isinampa ni Yasmien Kurdi laban sa kanya. Akala ko nga, naayos na ito.
Pero bongga ang Yasmien, pursigido itong ituloy at naisyuhan na nga noon ng warrant of arrest si Baron, ‘di ba?
Kaya nagkaroon na ng schedule ng arraignment nu’ng kamakalawa ng hapon sa Bocaue Municipal Trial Court, pero hindi natuloy at na-reset ito ng November 17.
Hindi raw pumuwede ang fiscal na humahawak ng kasong ito. Hindi rin dumating si Baron pati ang abogado nito, kaya walang nangyari. Pero talagang humabol pa roon si Yasmien kahit galing pa siya sa taping at sa school.
Natutuwa raw siya dahil kahit papa’no, tumatakbo ang kaso at kahit matatagalan ito, tutukan pa rin niya ito para mabigyan daw ng hustisya ang pambabastos na ginawa ni Baron sa kanya.
Wala raw siyang balak na makipag-ayos dahil wala naman daw siyang nakitang pagbabago kay Baron at hindi naman ito humingi ng paumanhin sa ginawa niya.
Wala naman daw siyang nakitang remorse mula kay Baron, kaya bakit naman daw niya iatras ang kasong ito?
Talagang palaban itong alaga ko!
KARARATING LANG NI Alfred Vargas galing ng Italy, diretso na agad siya sa mga project na sinimulan niya sa district 2 ng QC. Nu’ng Martes ng umaga kasabay ng selebrasyon ng World Teachers Day, namigay ito ng 20 scholarship grant sa St. Catherine College sa Brgy. Sangandaan.
Mainit ang pagtanggap sa kanya ng mga guro at mga estudyante sa eskuwelahang ‘yun at tuwang-tuwa sila sa proyektong ito ni Alfred na may kinalaman sa edukasyon. Kaya nakatutuwa naman at talagang naka-focus siya sa kanyang trabaho bilang konsehal ng district 2 ng Quezon City.
Doon din nabuking ng ilang media na may suot na itong wedding ring kaya napagdudahan na baka nagpakasal na sila roon sa Italy ng non-showbiz girlfriend niyang si Jasmine Espiritu. Hindi man niya diretsahang sinagot, pero mukhang ganu’n na nga.
Nandu’n din kasi ang Mommy niya at ang kapatid niyang babae, at kumpleto rin du’n ang pamilya ni Jasmine, kaya nagkaroon lang daw na maliit na seremonya. Ang sabi lang nito, tiniyak lang daw niyang hindi na makakawala pa sa kanya si Jasmine.
Pero ang mas pinaghahandaan nila ngayon ay ang pagpapakasal nila rito sa Pilipinas, na malamang late next year o early 2012.
Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis