TEXT NG ISANG kaibigan: “Pagsabihan n’yo naman ang hunk actor na mahusay at award-winning sa mga acting awards at pati sa politics. Mataba pa siya kina Anjo at Jomari Yllana. Mukhang minamanas na ngayon si Alfred Vargas!”
May balak pa ba si Alfred na magbalik-showbiz? ‘Yun agad ang katanungang sumagi sa aming isipan nang makita rin namin ito sa isang event. Lumobo na ang dating hunk actor. Muntik na nga naming hindi nakilala. Tinanong pa namin ang katabi namin kung si Alfred nga ‘yon.
Sa hitsura ngayon ng aktor, mukhang enjoy siya sa bagong mundong ginagalawan – ang pulitika. Tila hindi na conscious si Alfred sa pangangatawan niya. Kesehodang mapintog na siya, basta ang konsentrasyon niya ngayon ay nasa constituents niya.
Pero nanghihinayang ang kaibigan namin dahil mahusay nga namang aktor si Alfred. Sayang daw kung tatalikuran na nito ang showbiz – o kung mawawalan na siya ng offer dahil sa katabaan niya ngayon.
MAY NAKAPAGBULONG SA amin na may on-going audition sa mga ‘new’ co-hosts ni Willie Revillame sa Wowowee. At sa yate raw ‘yon ng TV host ginagawa. May dilemma nga ngayon ang isang female acoustic singer dahil pasado siya kay Willie para maging regular co-host nito. Kaya lang, kailangan naman daw nitong iwanan ang kanyang Sunday musical variety show.
Mula rin sa isang source, babalik daw si Willie sa Wowowee kung masusunod ang lahat ng kanyang kundisyones. At kung anu-ano ang mga ‘yon? Your guess is as good as mine.
NAKAI-STRESS ANG MAG-HOST ng Face To Face, ang kauna-unahang talak-serye sa telebisyon ng Kapatid network. Pero naka-adjust na raw sa kanyang trabaho si Amy Perez. Alam na raw ni ‘Tiyang Amy ng Bayan’ kung paano iwan ang kanyang trabaho kapag tapos na ito.
“It’s really a very stressful job,” sabi ni Amy. “Pero nasanay na rin ako. Paglabas ko ng studio, iiwan ko na ‘yung trabaho doon. Magre-relax na ako. Of course, may mga pagkakataon na napag-uusapan din namin ‘yon ni Carlo [her fiancé]. Talagang naaapektuhan din ako, pero ‘yon nga, trabaho lang.”
Pinabulaanan naman ni Amy na scripted ang TV show. “Paano namang magiging scripted ‘yon? Puwede mo bang sabihin na kalmutin niya ‘yung kaaway niya? O magkalmutan sila? Talagang sobrang emosyunal lang ‘pag nagkakaharap na ‘yung dalawang panig,” sabi pa niya.
Dagdag pa niya, “Minsan nga nagbabatuhan pa sila ng tsinelas saka ng silya. Kaya nga sabi ko, dapat ngayon ay maiiksi na ang mga kuko ng mga guests namin. Ipinapagupit ko talaga ‘yung mga kuko nila. Saka bawal na rin ‘yung mga bakya.”
Ayon naman sa producer ng show na si Nel San Luis, “Mahirap gawan ng script ang Face To Face lalo na’t ang nasa panel ay hindi naman mga artista.”
Dagdag pa niya, wala rin daw talent fee ang guests nila. “Pamasahe lang at pangkain ang ibinibigay namin sa kanila. Kaya naman gano’n, ayaw naman kasi naming maging negosyo ‘yon ng iba kapag nalaman nilang may bayad pala. Napag-usapan namin ‘yon dati. Pero wala talaga,” aniya pa.
Kasabay ng pagsikat ng palabas, tumatatak din sa mga manonood ang mahusay at eksperstong opinion ng Trio Tagapayo na sina Atty. Persida Acosta ng Public Attorney’s Office [PAO]; Fr. Gerry Tapiador, isang theology professor; at Dr. Camille Caces-Garcia, isang child psychologist. Nakakasama rin nila sina Dr. Rose Llanes, respetadong UP professor at Fr. Sonny Merida, parish priest ng St. Peter.
Sa darating na Agosto 2, Lunes, magkakaroon ng libreng serbisyo ang Trio Tagapayo sa mga residente ng Bgy. 592 Dist. 6 sa Sta. Mesa, Manila. Ang pre-screening at registration ng mga kaso ay gaganapin sa July 23-31, 9 am-5 pm, at sa August 1, 9 am-12 pm sa naturang barangay. Hanapin lamang si Dyana Santiago at mag-present ng valid ID.
Mapapanood ang Face To Face with Tiyang Amy ng Bayan, kasama ang Primerong Sawsawero na si Hans Mortel, Lunes hanggang Biyernes, 11 ng umaga, at 10:30 ng gabi sa TV5.
For comments, e-mail [email protected].
Bore Me
by Erik Borromeo