Nagbabalik sa pag-arte ang award-winning actor at masipag na public servant na si Alfred Vargas sa pelikulang “Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa” ni Direk Perry Escaño. Masasabing extra-special ito para kay Alfred, dahil bukod sa Cinemalaya entry ang naturang pelikula, aminado ang actor/politician na nami-miss na niya ang pag-arte.
“Ito’y para sa Cinemalaya 2017. So, nakapagpaalam naman ako sa constituents ko at pumayag sila. Actually, gusto ng constituents ko na mapanood tayo kahit once a year. Kahit one movie a year ay okay na raw sa kanila. Ito naman, advocacy project ko rin. Kaya ko ito tinanggap, kasi ay napakaganda ng script, e.
“This promotes education at saka literacy. So, parang I’m hitting two birds with one stone. Naika-campaign ko ‘yung advocacy ko, at the same time ay nababalikan ko ‘yung passion ko, which is ‘yung acting talaga. Nami-miss ko talaga ang acting, e. Iyon naman kasi talaga ang passion ko. I haven’t done a project for three to four years, ‘Separados’ ang last ko.
“So, siguro ito, medyo parang come back na rin ito. And what a better way to comeback than a Cinemalaya project, hindi ba?” nakangiting saad ni Alfred.
Target ba niyang manalo ulit ng acting award sa pelikulang ito?
Sagot ng dating contract star ng Seiko Films, “Hindi naman, ang target ko talaga rito ay ‘yung advocacy ko, iyong advocacy ko talaga. Kasi, ang gusto ko talagang isulong ay ‘yung education for all. Na lahat, kahit saang sulok ka ng Pilipinas nakatira, may karapatan kang mag-aral, may karapatan kang matuto, may karapatan kang to reach your dreams.
“Actually, hindi ko kilala si Direk Perry, ipinakilala lang ng common friend namin. Nang nabasa ko ang script, ang ganda talaga ng script. Kaya nag-text talaga ako sa common friend na ito para sabihin na interested ako dahil baka maunahan pa ako ng iba, e,” natatawang saad pa niya.
Dagdag pa ng actor/producer, “Maganda talaga iyong story. E, roon naman nag-i-start ang any good film e, hindi ba? Every good film begins with a good script, ‘di ba, with a good story? So hopefully ano tayo…
“Kasi, hindi dapat hadlang ang kahirapan, hindi hadlang kung saan ka ipinanganak, kung saan ka nakatira, kung ano ang estado mo sa buhay, para sa edukasyon. So basically, that’s why I’m doing this project. Sana mai-tour natin sa buong Pilipinas ito para maging aware rin ‘yung mga tao sa mga tunay na nangyayari sa bansa natin.
“Ang movie na ito ay mabigat and very powerful ‘yung message ng kuwento. About ano rin ito, about child warriors at child exploitation at yung kawawang future ng mga bata na nasasayang. Na instead of studying, they are force to be a part of the war,” seryosong saad pa niya.
Kasama ni Alfred sa pelikulang “Ang Guro Kong ‘Di Marunong Magbasa” sina Marc Justine Alvarez III, Miggs Cuaderno, Micko Laurente, Bon Lentajeas, Mon Confiado, Kiko Matos, Lou Veloso, Loren Burgos, at iba pa.
Nonie’s Niche
by Nonie V. Nicasio